Sanaysay ni Milena Bautista-Picart. Ang ilang bahagi nito ay mula sa manuskripto ng yumaong si Prof. Leopoldo Serrano na inilathala ni Jonathan B. Briones at pinamagatang Araw ng Nueva Ecija, Setyembre 2, 1998. Gayundin sa inilathalang librong The History of San Isidro, Told and Retold sa panulat ni Dean Leonila C. Gonzales
Part 1 | Part 2 | Part 3 | Part 4
Nang kinahapunan sa factoria, umalingawngaw ang putukan, nagsimula ang marahas na labanan na tumagal ng halos tatlong araw. Ang bangis ng paghahamok na ito ay nag tigis ng saganang dugo, nag iwan ng lunos at lagim ng maraming nabuwis na buhay.
Hindi nagtagal ay nagwagi ang mga Katipunero. Nakuha nilang pasukin ang garison ng gobyerno ng mga Kastila at palayain ang mga Pilipinong nakulong duon. Ngunit, hindi rin nagtagal ang tagumpay na ito dahil sa laki ng pwersa ng sundalong Espanyol napasok muli nila ang bayan. Binawi muli sa kanila ang gobyerno, masaklap ang dinanas ng mga Pilipino ng mga sumunod na araw. Inaresto at ikinulong ng mga gwardya sibil ang lahat ng pinaghinalaan sa pag-aalsa. Pagkatapos pahirapan sa loob ng kulungan ang mga kasapi ng himagsikan kasama ang ibang Katipunero, sila ay dinala sa plaza at doon pinagbabaril hanggang sa mamamatay.
Patunay lang na ang ating bayan, ay marami pang mga bayaning hindi man napangalanan at kinilala ng lipunan ay parehong may karanasan at kabayanihan katulad nila Andres Bonifacio at Dr. Jose Rizal. Nagpakita ng katapangan, kagitingan, kadakilaan at namatay para sa bayan.

Andres Bonifacio Shrine (Mehan Garden , Manila)
Bagamat ang diwa at bango ng katipunan ay unti-unti ng napaparam sa kalooban ng lipunan. At ang kadakilaan ng mga anak ng bayan ng panahong nagdaan ay para na rin ng nalilimutan ng sambayanan. Hindi pa rin maikakaila na ang ating kultura at bayan ay tunay ngang may magandang kasaysayan.
Sana ang mga nalalabi pang alaala ng mayaman nating kasaysayan ay mapanatili, maisabuhay, mapangalagaan at bigyang halaga upang sa paglipas ng panahon ay hindi mga lumang litrato at nagpasalin-saling kwento na lamang ang bubuhay sa ating nakaraan. Mailigtas pa rin sana natin ang kasaysayan sa mga issue na siyang biktima ng isang lipunang binubulag ng pagbabago at maling kahulugan ng pagunlad at progreso.
Imulat ang mga mata, buksan ang isipan upang tayo ay hindi na muling maging biktima hindi lamang ng mga dayuhang sumakop sa ating bayan, kundi ng mga taong pilit na naghahati sa ating mga mamamayan sa mga isyung panlipunan, para lamang sa kanilang pangsariling kapakanan.
Huwag na sana nating hayaan na tayo ay muling mapasailalim sa isang tulad ng monopolyo ng tabako noon na siyang nagpahirap at nagiwan ng hinagpis sa ating mga ninuno, na siyang pinag ugatan ng himagsikan.
Sama-sama tayong magkaisa, manindigan at balikan ang pinagmulan upang marating natin ang patutunguhan.
Tulad ng sinabi ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal:
“In order to read the destiny of people it is necessary to open the book of the past.”