Sanaysay ni Milena Bautista-Picart. Ang ilang bahagi nito ay mula sa manuskripto ng yumaong si Prof. Leopoldo Serrano na inilathala ni Jonathan B. Briones at pinamagatang Araw ng Nueva Ecija, Setyembre 2, 1998. Gayundin sa inilathalang librong The History of San Isidro, Told and Retold sa panulat ni Dean Leonila C. Gonzales

Part 1 | Part 2 | Part 3 | Part 4

 

Bilang isang Novo Ecijano, isa ka kaya sa mga taong nakakaalam ng kasaysayan ng iyong lugar? At bilang Pilipino, pinapahalagahan mo pa ba ang mga pangyayari at mga taong naging dahilan upang tayo’y maging malaya mula sa mga mapang–aping kamay ng mga dayuhang mananakop?

Makasaysayan ang bansang Pilipinas at mula noon hanggang ngayon, patuloy nakikibaka, tayong mga Pilipino sa mga nais kumitil sa ating kalayaan.

Marami ring lugar sa Pilipinas ang tila napabayaan na ng panahon kahit malaki ang naging ambag nito sa kasaysayan, mga lugar at mga bagay na ipinagwalang-bahala , at mahahalagang taong unti–unti nang nabubura sa diwa, ng mga mamamayan lalo na sa mga kabataan at kalaunan, tuluyan nang maglalaho sa puso’t isipan ng mga susunod pang henerasyon.

Isa ang lalawigan ng Nueva Ecija sa mga unang nag-aklas laban sa mga dayuhang mananakop.

nueva ecija

Pagtaguyod ng KKK sa Nueva Ecija

Dahilan kung bakit ang Nueva Ecija ay kabilang sa walong sinag ng araw ng watawat ng Pilipinas. Dito din matatagpuan ang ilan sa mga mahahalagang bayang bahagi ng ating nakaraan subalit halos hindi na nga ba napanatili ang kahalagahan ng ilan sa mga ito sa kasalukuyan.

Bilang paggunita sa kabayanihan ng mga taong nag-alay ng buhay para lamang makamtan ang  tinatamasa nating kalayaan, ating balikan ang kasayasayan ng bayan at sariwain ang dugo ng nakaraan.

Ito ang bayan ng San Isidro. Kahit simple at maliit may makulay, makabuluhan at may napakahalagang ginampanan sa pangkalahatang kasaysayan ng bansang Pilipinas.

Makikita ang San Isidro sa dulong timog ng Nueva Ecija. Natagpuan ng mga Kastila noong 1843 at tinawag na San Isidro na hinango sa ngalan ng patron ng bayan. Naging punong kabisera o gobierno o provincial capitol ang Nueva Ecija noong 1852 hanggang 1912.

At sa halos animnapung taong itinagal nito bilang kapital ng lalawigan marami nang makasaysayang pangyayari ang naganap sa bayang ito.

Pinangalanan din ang bayang ito na factoria o pakturya kung tawagin sa tagalog.

Noong panahon ng mga Kastila ginawang distrito ng tabako ang bayan ng San Isidro. Tinawag na factoria ang lugar kung saan dinedeposito ng mga magsasaka ang kanilang aning tabako.

tabako

Tobacco Farm

Ang mga Pilipino noon ay kinakailangang magtanim ng tabako at bibilhin ng gobyerno sa mababang halaga lamang. At kapag ang isang magsasaka ay hindi nakaabot sa kanyang quota sila ay pagbabayarin pa ng multa. Kapag sila naman ay nahuli ng mga Kastila na may nakatagong dahon ng tabako sa kanilang mga bahay, sila ay ikukulong at parurusahan.

Sa kasalukuyan, makikita pa din ang mga labi ng factoria sa bahay pamahalaan sa bayan ng San Isidro.

Noong panahon ng mga Kastila nagsilbi itong kulungan ng mga Pilipinong lumalaban sa mga katiwalian at lumalabag sa gobyerno ng mga dayuhang Espanyol. Naging paaralan naman ito sa mga bata noong panahon ng mga Amerikano. Sa pananakop naman ng mga Hapones naging punong himpilan ito ng mga Hapon. Ngunit matapos masunog noong panahon ng Hapon ay wala na halos naiwan kundi ang mga pader nito at pundasyon ng gusali.

ruinsSa likod ng munisipyong ito o ng pakturya ay ang mga ruins na lamang ng lumang gobierno o provincial capitol – ang gusaling may dalawang palapag noon na gawa sa kahoy at sementong tisa. Ngunit ito ay nawasak na ng lindol.

Sa ngayon, makikita pa rin dito ang mga tisang bato na kahit unti-unti nang natitibag sa paglipas ng panahon ay may natitira pa ring bakas ng nakaraan.

Kung makapagsasalita lamang ang mga tisang ito na yinanig man ang lindol, natupok man ng apoy at daanan ng bagyo, ay masasabi pa rin nito ang mga kuwento ng takot, lungkot at katapangan ng mga Pilipino. Kasabay din ng mga katiwalian at kalupitan ng mga Kastila.

Nakakalungkot mang isipin na sa kabila ng mga istoryang ito marami na sa mga kabataan ngayon ang tila wala na nga bang alam sa kasaysayan ng bayan.

Ang mga pader na ito na siyang saksi sa mga hinagpis, hirap at pasakit ng mga Pilipinong pinahirapan, pinagmalupitan at  mas ginustong mamatay kaysa isuko ang katapatan at pagtaksilan ang bayan ngunit ngayon kung iyong pagmamasdan hindi lamang ito sinira ng mga kalamidad na nagdaan kundi tuluyan na nga bang nabaon sa limot at nawawalan na ng saysay.

https://www.youtube.com/watch?v=rPHaoHNvPO4

Part 1 | Part 2 | Part 3 | Part 4