Higit 18,000, pasado sa LET; isa sa mga topnotchers, mula sa NEUST
Inanunsiyo ng PRC o Professional Regulation Commission at ng BPT o Board for Professional Teachers na mahigit 18,000 examinees ang nakapasa sa June 2022 Licensure Examination for Teachers.

Base sa inilabas na listahan ng PRC, mula sa 17,149 examinees nasa 8,667 dito ang pumasa sa pagsusulit sa Elementary Level o may katumbas na 50.54 percent passing rate.
Habang nasa 10,193 secondary teachers mula sa 20,191 na nag-exam ang matagumpay na pumasa katumbas ng 50.48 percent.

Isa si Jericho Soniga Roque na nagtapos sa Talavera Off-Campus Nueva Ecija University of Science and Technology noong 2019 ang nakakuha ng ika-pitong pwesto para sa Elementary Level ng nasabing eksaminasyon sa unang pagkakataon.

Si Roque ay nakakuha ng average score na 90 percent matapos kumuha ng LET makalipas ang dalawang taon dahil sa pandemya.
Siya ay pang-apat na LET Topnotcher mula sa NEUST kasama si Felipe Medrano, Jr., Top 10 sa Secondary Level noong 2018; Gerald Mabuti, Top 9, Secondary noong 2017; at Mariel Cover, Top 8, Elementary noong 2016.

Samantala, nanguna sa Elementary Level si Charline Tiquin Juntilla ng Compostella State College-Montevista Branch na may rating na 93.40 percent habang si Marvin Cabel Nillas na mula rin sa kaparehong eskwelahan ang nag Top 1 sa secondary level matapos makuha ang 94 percent na rating.

Ang June 2022 Licensure Examination for Teachers ay isinagawa noong June 26, 2022 sa 19 testing centers sa buong Pilipinas.