P2.5-Million cash assistance, ipinamahagi sa mga dating rebelde sa Nueva Ecija

Umaabot umano sa P2.5-milyong halaga ng cash assistance ang ipinamahagi sa apatnapo’t pitong mga dating rebeldeng New People’s Army (NPA) sa ilalim ng E-CLIP o “Enhanced Comprehensive Local Integration Program” ng pamahalaan na ginanap sa Nueva Ecija Police Provincial Office noong August 5, 2022.

Pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan ang pamamahagi ng cash aid sa pangunguna ni Governor Aurelio M. Umali sa pamamagitan ni Provincial Social Welfare and Development Office Chief Leoncio A. Daniel sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government, NEPPO, at ng 7th Infantry Division ng Philippine Army.

Bawat isa sa 47 beneficiaries ay nakatanggap umano ng cash na nagkakahalaga ng P15,000 hanggang P65,000, na magagamit nila sa pagsisimula ng kabuhayan kasama ang kanilang mga pamilya.

Nakiisa sa aktibidad sina DILG Central Luzon Regional Director Karl Caesar Rimando; Atty. Ofelio A. Tactac Jr., Nueva Ecija DILG director; Brig.Gen. Joseph Norwin Pasamonte, 703rd Brigade commander; at Lt. Col. Joseph Sta. Cruz, deputy provincial director for operations ng NEPPO.

Sinabi ni Sta. Cruz na ang mga dating rebelde ay nakatanggap ng cash grants matapos sumailalim sa “matibay” na proseso ng pagsusuri batay sa mga alituntunin ng E-CLIP at alinsunod sa mga layunin ng Regional Task Force-To End the Local Communist Armed Conflict.

Patunay aniya ito na ang gobyerno sa pamamagitan ng ating Pamahalaang Panlalawigan at security forces – PNP (Philippine National Police) at AFP (Armed Forces of the Philippines) ay malugod na tinatanggap at kinakalinga ang mga rebeldeng nagbabalik loob sa gobyerno para sa kapayapan at kaunlaran ng bayan.

Umaasa naman si 7th ID Commander Maj. Gen. Andrew D. Costelo na ang kaganapang ito ay magsisilbing “danan” upang makita ng iba pang mga aktibong rebelde kung paano tinutulungan at sinusuportahan ng gobyerno ang mga nais yumakap sa mapayapang buhay.