SENSITIBONG BALITA
P3.4-Million na halaga ng shabu, nakumpiska ng PDEA region 3 sa dalawang tulak
Umaabot umano sa P3.4 milyong halaga ng shabu na tumitimbang ng kalahating kilo ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 3 sa dalawang babaeng tulak ng shabu sa isinagawang entrapment operation sa Bustos, Sta. Cruz Manila noong August 14, 2022.
Kinilala ang mga suspek na pinaniniwalaan ng mga awtoridad na sangkot sa pagbebenta ng nasabing illegal na droga sa Maynila, Bulacan at Pampanga ay sina Ainnah Salgan y Ali, 64 years old, may asawa; at Norhanna Canapia y Salgan, disi nueve anyos, kapwa residente ng Barangay 648 C Palanca Sr. St. San Miguel, Manila.
Base sa report ni PDEA Region 3 Director General Wilkins Villanueva, isang undercover agent ang nakakuha ng drug deal sa mga suspek at nagkasundong magkita sa harap ng isang kilalang food chain sa Sta. Cruz, Maynila kung saan naganap ang paghuli sa mga ito.
Sinampahan ang mga suspek ng paglabag sa Section 5 o sale of dangerous drugs na may kaugnayan sa section 26B o conspiracy to sell drugs ng RA 9165 o comprehensive dangerous drugs act of 2002.