144 hemodialysis sessions ng pasyente, sagot ng Philhealth
Mas pinalawig ng Philippine Health Insurance Corporation ang coverage ng hemodialysis sa mga miyembro nito na may sakit sa bato hanggang December 31, 2022.
Ang dating 90 sessions na sinasagot ng ahensiya ngayon ay 144 sessions na, na may katumbas na P374,000 sa loob ng isang taon.
Ayon kay Marvy Robledo, Chief Social Insurance Officer ng Philhealth, kinakailangang nakaregister ang miyembro at dependents nito na may Chronic Kidney Disease sa kanilang Philhealth Dialysis Database o PDD upang awtomatikong magamit ang benepisyong ito.
Kung hindi naman naka-enrol sa kanilang database, ang ospital o dialysis center na kanilang napili ang tutulong upang maipagpatuloy ang pagpapagamot ng pasyente o kaya naman ay maaaring magtumungo sa malapit na sangay ng Philhealth sa inyong lugar.
Dagdag pa ni Robledo, pwede ring mai-avail ang benepisyong ito ng isang miyembro na hindi naipagpatuloy ang pagbabayad ng kontribusyon kung sila ay madedeklara ng municipal o city social worker na financially incapable o wala nang kakayahang magbayad.
Pwede ring magdirect filing ng claims sa Philhealth ang mga nakapagbayad na sa kanilang 91 hanggang 144 sessions dala ang mga dokumento tulad ng Claim Form 1 and 2, waiver, statement of account at mga resibo na galing sa dialysis center.
Ang pagproseso ng claims o refund ay aabot ng animnapung araw at kanila nang matatanggap ang lahat ng kanilang nagastos sa bawat dialysis session.
Nilinaw naman ng Philhealth na hindi pwedeng maidagdag sa taong 2023 ang mga hindi nagamit na session sa kasalukuyang taon.