Pinaka matandang dyaryo sa Nueva Ecija, nagdiwang ng ika-58 taong anibersaryo
Namahagi ng halos 500 food packs sa mga barangay ng Pasbul at Camias sa Porac, Pampanga ang Dahong Palay na pinaka matandang dyaryo sa Nueva Ecija sa pagdiriwang ng kanilang ika-limampo at walong taong anibersaryo.
Taong 1964 nang simulang ilathala ang Dahong Palay na itinatag ni G. Pete Salazar na nagkamit ng pagkilala mula sa Carlos Palanca Memorial Foundation, dahil sa kanyang panulat na ‘Mga butil, mga busal’.
Ayon kay Milo Salazar, anak ng nagtatag ng Dahong Palay na nagmana at nagpatuloy nito, napili nila ng kanyang asawang si Camille na ang mga kapatid na katutubong Aeta sa Porac ang handugan ng mga pagkain dahil sa kahirapan sa buhay na dinaranas ng mga ito.
Ang 120 supot ng bigas, mga de lata, noodles, kape, at lighter ay nagmula mismo sa bulsa ng mag-asawang Milo at Camille, habang ang nadagdag na 350 bags ng pagkain ay ipinagkaloob ng kanilang mga sponsors tulad nina Porac, Pampanga Mayor Jing Capin, mga alkalde ng Nueva Ecija na sina San Jose City Mayor Kokoy Salvador, Talavera Mayor Nerito Santos, Jaen Mayor Sylvia Austria, Penaranda Mayor Joey Ramos, at San Antonio Mayor Arvin Salonga, maging ang 7th Infantry Division ng Philippine Army, SL8 Agritech at NIA UPRIIS Division 6 ay nag-abot din ng tulong.