Nagbabala ang DOH o Department of Health na maaaring umabot ng 19,000 kada araw ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ng DOH, kung ang pagbabasehan ay ang kanilang latest projections at kasalukuyang case trends, posible umano itong umakyat hanggang 19,306 COVID-19 cases per day hanggang sa katapusan ng Agosto.
Gayunman, maaaring mas maging mababa at makokontrol ito sa 6,194 hanggang 8,346 na kaso lamang kung mapaghuhusay ang vaccination at booster rates gayundin ang pagiging maingat ng mga mamamayan at pagpapatuloy ng istriktong pagtalima sa minimum public health standards.
Binigyang-diin din ng ahensiya na mahalaga na mamonitor ang hospital utilization rates at admissions sa bansa.
Muling pinaalalahanan ng DOH ang publiko na palaging magsuot ng best-fitting masks at kung sakaling nagkasakit ay impormahan ang mga close contacts upang makontrol ang pagkalat ng virus.