Muling isasagawa ang libreng konsultasyon sa mata sa San Antonio District Hospital sa pakikipagtulungan ni Dr. Elmer Espino, isang ophthalmologist sa darating na July 20, 2022 ganap na alas-nuebe ng umaga.
Matapos ang dalawang taon na nahinto ang programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija dahil sa pandemic ay muli itong magbabalik upang matulungan ang mga indigent patient na walang kakayahang makapagbayad dahil sa hirap ng buhay.
Ayon kay Dr. Nap Palor, Officer-in charge ng nasabing ospital, lahat ng pasyente na may karamdaman sa mata ay maaaring magtungo sa ospital lalo na ang mga senior citizen na may katarata, pugita at mga bata na banlag o ibang pang uri ng sakit sa mata.
Kung sasailalim sa operasyon ang isang pasyente na may katarata, kinakailangan lamang ng mga ito na dalin ang kanilang vaccination card sa pagpunta at ang kanilang Philhealth identification card o ang Member Data Record para masagot na lahat ng ahensiya ang mga gastusin sa ospital.
Ang nasabing aktibidad ay regular na programa ng kapitolyo sa pamumuno ni Gov. Aurelio “Oyie” Umali na sinimulan noong 2014 kung saan libu-libong mga Novo Ecijano na ang nabenepisyuhan lalo na ang mga mamamayan sa ika-apat na distrito.
Para sa mga may katanungan ay makipag-ugnayan sa San Antonio District Hospital facebook page o maaaring tumawag sa kanilang landline na 333-3313. – ulat ni Shane Tolentino