Hinihikayat ni Nueva Ecija-Provincial Tourism Officer Atty. Joma San Pedro ang mga Novo Ecijano partikular na ang mga kabataan na bisitahin ang Museo Novo Ecijano o ang Provincial Museum upang tunghayan ang mga lumang kagamitan noong unang panahon, mga larawan at likhang sining na sumasalamin sa kasaysayan ng lalawigan.

Ayon kay Atty. Joma, pangarap nila sa mga susunod na panahon na magkaroon na ng sariling building ang Provincial Museum para sa mas maluwang na espasyo dahil sa kasalukuyan ay nakapaloob sa Provincial Tourism Office sa New Capitol Building, Palayan City ang naturang museo.

Aniya, napakahalaga ng pagkakaroon ng museo lalo na sa isang makasaysayang lugar tulad ng Nueva Ecija, sapagkat ito ang magsisilbing daan para sa kasalukuyang henerasyon at mga susunod pa na kilalanin ang nakaraan at maging inspirasyon ito upang maging bahagi sila ng mas magandang kinabukasan ng bayan.

Naniniwala aniya siya na kapag mas na-improve pa ang museum ay mas lalo nating mararamdaman ang importansya at pagkakakilanlan bilang Novo Ecijano lalo na sa mga kabataan.

Ilan sa mga makikita sa museo ang maliit na Diorama nang naganap na sagupaan sa bayan ng San Isidro noong September 2, kung saan nanguna ang mga bayaning Novo Ecijano sa pagsugod sa mga mananakop na kastila upang makamit ang Unang Sigaw ng Nueva Ecija.

Matatagpuan din ang ilang mga likhang sining ng mga kilalang painter sa lalawigan na nanalo sa Annual Painting Contest ng pamahalaang panlalawigan, at ilang bagong exhibitions tulad ng Understanding Araquio, na nagpapakita ng makulay at magandang Festival na ginagawa sa bayan ng Peñaranda, na nagmula sa Central Luzon State University.

Bukas ang museo sa lahat ng mga estudyante mula Kindergarten hanggang Kolehiyo mula Lunes hanggang Biyernes, alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon, maaari ding magdonate ng mga lumang kagamitan nina lolo at lola upang maging bahagi ng Provincial Museum. – ulat ni Jovelyn Astrero