Kasunod ng trending na paghahambing ng aktres na si Ella Cruz sa kasaysayan ng Pilipinas sa chismis na umani ng mga batikos ay inihain ng ACT-Teachers Partylist ang House Bill 207 upang maibalik ang subject na Philippine history sa K-12 curriculum.
Ayon kay ACT Teachers Representative France Castro, pangatlong beses na nilang inihahapag ngayon sa 19th Congress ang nasabing panukalang simula pa noong 17th Congress kaisa ang mga kaalyadong Kabataan, at Gabriela party lists maging ng mga professional organizations at advocates ng Philippine History.
Paliwanag ni Castro, kailangan talagang ibalik ang pag-aaral sa kasaysayan ng bansa bilang asignatura sa sekondarya dahil may mga taong itinuturing itong tsismis upang baluktutin lang ang mga naganap sa nakaraan.
Nananawagan si Castro kay President Ferdinand Marcos Jr. at Education Secretary, Vice President Sara Duterte-Carpio na suportahan ang pagsasabatas ng panukala upang matiyak na hindi iiral ang historical revisionism at denialism para sa mamamayang Filipino.