Ibinahagi ng mag-asawang negosyante na sina Pastor Ralph at Tin Barata ang kanilang pinagdaanang pagsubok sa buhay at kung paanong naging bahagi ng kanilang tagumpay ang pagkilos ng Panginoon sa kanilang buhay, ito ang tampok na istorya sa programang Count Your Blessings nina Former Congresswoman Czarina “Cherry” Domingo Umali at Dra. Kit De Guzman, noong sabado, June 2, 2022.
Ikinuwento nina Pastor Ralph at Tin ang pagsisimula ng kanilang pag-iibigan kina Dra. Kit at guest co-host nito na si Precious Berdolaga na nauwi sa matagumpay na pagnenegosyo dahil sa pagkakakilala at pagtitiwala nila sa Diyos.
Nag-aaral pa lamang si Pastor Ralph ay pagnenegosyo na talaga ang nasa isip nito, nang sila ay mag-asawa na, taong 2003 ay nagpasya silang magtayo ng Pizza house na bagaman maliit ang pwesto at puhunan ay naramdaman nila ang pagpapala mula sa Diyos dahil dinadagsa ito ng mga parokyano.
Dahil Licensed Pharmacist si Tin at inalok ng trabaho ng dati nitong boss sa isang Distribution Company ng gamot sa Cabanatuan City ay hindi na ito nagdalawang isip na muling bumalik sa pagtatrabaho habang naging sales representative naman si Pastor Ralph, na nag-udyok din sa kanila upang muling pasukin ang mundo ng pagnenegosyo.
Humarap din sa iba’t ibang pagsubok sina Pastor Ralph at Tin sa muling pagtatayo ng business dahil noong mga panahong iyon ay wala silang perang hawak para makapagsimula, dumagdag pa ang ilang mga taong nagduda na magtatagumpay ang kanilang pinaplanong negosyo.
Ngunit dahil sa pananampalataya at paniniwalang may gagawing pagpapala ang Diyos sa kanilang buhay ay nagtuloy-tuloy ang kanilang negosyong pharmacy o botika na sa kasalukuyan ay mayroon ng 4 branches sa mga bayan ng Talugtug, Carranglan at Lungsod Agham ng Muñoz.
Mas naramdaman anila ang pagkilos ng Panginoon sa kanilang buhay nang mas mapalapit sila at maglingkod sa Diyos kung saan hindi lamang katagumpayan sa negosyo ang kanilang natanggap kundi maging ang kalayaan mula sa takot, lungkot at mga negatibong kaisipan sa kanilang buhay.— Ulat ni Jovelyn Astrero