Muling nanumpa sa ika-limang termino si Governor Aurelio Oyie Umali bilang gobernador ng lalawigan ng Nueva Ecija, sa harap ni Executive Judge Analita Castillo Reyes ng Regional Trial Court Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Pagkatapos ng kanyang panunumpa ay pinangunahan naman ng gobernador ang oath taking ng iba pang mga elected officials ng lalawigan.
Sa kanyang talumpati ay pinasalamatan ng punong panlalawigan ang lahat ng mga dumalong nahalal sa katungkulan at nakasama niya ng tatlong taon at sa mga susunod pang mga taon sa paninilbihan sa bayan.
Mensahe naman ni Vice Governor Doc. Anthony Matias Umali, na magkaiba man ng paniniwala at paninindigan ang bawat namumuno, tinitiyak niya na iisa lamang ang hangarin at tungkulin ng bawat isa, ito ay ang tuparin ang mga pangako sa mga taumbayan na nagpahiram sa kanila ng tiwala.
Kaya pangako ng bise gobernador na mananatili ang kanyang puso sa pakikinig at buong puso na maglilingkod at magmamalasakit sa kapakanan ng mga Novo Ecijano.
Para naman sa mga bagong halal na Mayor ng Science City Of Munoz na si Mayor Armi Alvarez at pinakabatang Mayor ng Palayan City na si Mayor Vianne Cuevas.
Naniniwala sila na pagkatapos ng halalan ay isantabi na ang pulitika para sa iisang layunin na magkaisa at mapaglingkuran ang mamamayan.
Pangarap ng gobernador sa Nueva Ecija, na magkaisa dahil naniniwala siya na kahit anumang kulay sa pulitika, paniniwala at paninindigan, ang lahat ng mga ito ay para sa kapakanan ng lahat ng mga Novo Ecijano.
Kung sa panahon aniya ng kampanya ay may nasaktan ang damdamin at mga pangyayari na kumurot sa puso ng bawat isa, panahon na para tumayo at magkaisa at sama samang maglilingkod sa taong bayan
Dagdag pa ni Gov.Oyie na hindi kailangan na magsama-sama sa pulitika, kundi magsama-sama ang bawat isa sa paglilingkod sa mamamayan.
Kaya pangako ng gobernador saksi ang kanyang pamilya at lahat ng Novo Ecijano na ipagpapatuloy niya ang pagmamahal sa lalawigan. – ulat ni Smile Supetran III