Ipinagdiwang ng Nueva Ecija National High School ang kanilang ika-isangdaan at labing apat na taong pagkakatatag na may temang “ NENHS Noon at Ngayon Handa sa Pagbabago sa mga Hamon ng Panahon” .
Napuno ng sayawan at kantahan ang programa ng 114th Founding Anniversary ng Nueva Ecija National High School na ginanap sa NENHS Gym na dinaluhan ng mga estudyante mula Grade 7 hanggang Grade 10 , faculty at staff.

Nagkaroon rin ng mga booth na itinayo ng iba’t ibang departamento ng paaralan katulad ng Ukay-ganda ng Filipino Department , kakanin ng Values Department at marami pang iba.

Ipinagmalaki ni Dra. Lulu Diamante Principal ng NENHS Senior High na sa mahigit isang siglo ng pagkakatayo sa Nueva Ecija High School ay nananatili pa rin na matatag ang paaralan na naging pangalawang pamilya na ng mga estudyanteng nag aaral dito.
Isinalaysay din sa mga panauhin ng programa ang kasaysayan ng Nueva Ecija National High School na Itinayo noong 1905 sa Bayan ng San Isidro na unang pinangalanang Wright Institue at inilipat sa Cabanatuan City noong 1927 ng gawin itong kabisera ng lalawigan ng Nueva Ecija.
Sa talumpati ni Dra. Diamante hiniling nito na nawa’y manatili ang NENHS at mga estudyante na matibay sa hamon ng pagbabago ng panahon sa iba’t ibang aspeto ng buhay. – Ulat ni Amber Salazar