Kung dati ay buwan pa lamang ng Agosto ay umaabot na sa libo ang nabibiling palay ng mga Traders sa bayan ng Guimba, ngayon na nasa kalagitnaan na ng Setyembre ay halos hindi na umano nila pinapansin ang mga aning palay ng mga magsasaka.
Ayon kay Nila Dela Cruz, Treasurer ng Guimba Palay Trader’s Association, nasa 20-30 porsyento ng mahigit sa limampong nagnenegosyo ng palay sa kanilang bayan ang nagsara na at mayorya sa mga ito ay dahil sa pagkalugi, habang ang ilan naman ay nagpalit na ng negosyo.
Aniya, sa halos tatlumpong taon na nitong pamimili ng palay ay ngayon lamang nila dinanas ang malalang problema dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay na isinisisi nila sa pagdagsa ng mga imported na bigas at dahil sa pagsasabatas ng Rice Tariffication Law.
Sintemyento nito, dahil sa kagustuhan nilang hindi mamatay ang kanilang negosyo ay nakikipagsapalaran sila sa pagbili ng palay kahit na kadalasan ay nalulugi na sila.
Nakasalalay aniya sa mga rice millers ang presyo ng pamimili ng palay ng mga kagaya niyang Traders, halimbawa kung 25 pesos ang itinakdang presyo sa kanila ng rice millers ay bibili naman sila ng palay mula sa mga magsasaka sa halagang 23 pesos.
Kung sa panahon ng kanilang pagbibilad ng mga pinamiling palay ay ibinaba ng mga rice millers sa 20 pesos ang presyo ay malulugi na silang mga Traders.
Sa loob ng isang taon ay apat na buwan lamang aniya sila nakakapag-operate dahil na rin sa pagbilis ng pag-ani ng mga magsasaka bunsod ng pagdating ng mga reaper harvester, kaya kung inutang lamang ng negosyante ang kanilang puhunan at mababa pa ang presyo ng palay ay hindi na aniya sila makakabawi sa kanilang ginastos.
Kaya naman kaisa ang mga ito sa signature campaign na isinasagawa ng iba’t ibang progresibong grupo mula sa Gitnang Luzon upang hilingin na malimitahan ang importasyon ng bigas at ang pagbabasura sa Rice Tariffication Law.— Ulat ni Jovelyn Astrero