Sa trabaho sina Bernadeth Bonsobre at Bryan Digap dito sa Cabanatuan City taong 2012 kung saan sila nagkamabutihan at nagkaroon ng relasyon na nagtagal ng limang taon.
Ilang ulit mang sinubok ang kanilang relasyon ay nanatili umano silang matatag ni Bryan kahit pa nga dati ay madalas ang kanilang hindi pagkakaunawaan.
Ayon kay Berna, nang dumating ang kanilang anak na si Cardo sa kanilang buhay ay nalimitahan na ang hindi nila pagkakaunawaan at nagpasya si Bryan na magpatayo ng sarili nilang bahay upang paghandaan ang pagbubuo ng sariling pamilya.
Aniya, maayos ang kanilang naging pagsasama, magkakasundo at suportado pa nga ng mga kapatid ni Bryan ang kanilang anak na si Cardo.
Ang tila maayos na pagsisimula ay biglang kinatok ng matinding pagsubok.
Buwan ng Mayo nang nakaraang taon nang makaramdam umano ng pananakit ng balikat si Bryan.
Dito na simulang tubuan ng maliit na bukol ang kanang balikat ni Bryan, ipinahilot umano nila ito dahil sa pag-aakalang simpleng pilay lamang o pananakit ang kanyang nararamdaman.
Ngunit makalipas ang ilang buwan unti-unting lumaki ang bukol sa balikat ni Bryan at nang magpasya na silang ipagamot ito sa doktor ay napag-alamang stage 3 cancer na ang bukol nito.
Sa kabila ng kalagayan ay nakita umano ni Berna ang kagustuhan ni Bryan na madugtungan pa ang kanyang buhay dahil magana itong kumain upang magpalakas ng katawan.
Tuwing sasapit ang gabi ay tila binibiyak ang puso ni Berna sa tuwing maririnig at makikita ang pagsigaw nito dahil sa sakit na nararamdaman, at tanging iyak na lamang ang nagagawa niya dahil sa awa at sakit ng kalooban.
Buwan ng Abril ngayong taon nang hilingin ni Bryan sa kanyang mga magulang na maikasal sila ni Berna, at sa pinagsama-samang effort at tulong na rin mula sa kanilang Mayor ay naisakatuparan ito noong April 17, 2019 kaarawan mismo ni Bryan.
Ang madalas aniyang ibilin ni Bryan ay huwag silang aalis ni Cardo sa kanyang ipinatayong bahay kahit na anong mangyari sa kanya.
May 28, 2019 nang tuluyan nang bumigay ang katawan ni Bryan sa edad na dalawamput pito.
Mahirap man sa kalooban ay pinipilitin umanong kinakaya ni Berna para sa kanilang anak.
Ngayong araw ay nakatakda ng ihatid sa huling hantungan ang mga labi ni Bryan. – Ulat ni Jovelyn Astrero