Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Department of Education – Nueva Ecija Schools Division Superintendent Dr. Ronaldo Pozon, sinabi nito na sa kabuuan ay naging maayos ang unang araw ng pasukan sa buong lalawigan ng Nueva Ecija.
Isa sa mga dahilan aniya rito ay ang mga paghahandang ginawa ng buong Kagawaran ng Edukasyon tulad ng Brigada Eskwela kung saan ay nagtulong-tulong ang buong komunidad para maisaayos at maihanda ang mga silid-aralan para sa mga mag-aaral.
Ayon pa kay Dr. Pozon, inaasahan ngayong taon ng DepEd – Nueva Ecija ang mahigit 300,000 na estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 12 na mag-e enroll sa mga public at private schools at nakahanda rin dito ang mahigit 15,000 na teaching and non-teaching personnel sa buong lalawigan.
Samantala, magkahalong emosyon naman ang naramdaman ng mga mag-aaral na aming na-interview sa unang araw nila sa eskwela.
Tuwa ang nangibabaw para sa mga Grade 4 students na sina Erica Dela Cruz at Bernard Atacador ng Sta. Romana Memorial Elementary School sa Sta. Arcadia, Cabanatuan City dahil makakapag-aral na ulit sila.
Para sa mga Grade 10 students ng Nueva Ecija High School na sina Aika Seguini at Carlos Miranda, kaba ang una nilang naramdaman dahil bagong mga kaklase at bagong mga guro na naman anila ang makakasalamuha nila.
Nagbigay naman ng mensahe sina Aika at Carlos sa mga kapwa nila estudyante na mag-aral ng mabuti dahil ito ang susi para ikauunlad ng kanilang kinabukasan. –Ulat ni Jessa Dizon