Alinsunod sa inilabas na DepEd Order 83, series of 2003 o ang reiteration ng DECS o Department of Education, Culture and Sports Order Nos. 70, series of 1999 at 26, series of 2000, mas paiigtingin sa darating na pasukan ang pagbabawal sa mga mag-aaral mula elementarya hanggang sekondarya sa paggamit ng cellphone sa oras ng klase sa Nueva Ecija National High School, Cabanatuan City.
Ito ang siniguro ni Secondary School Principal IV- Rowena Caoile sa panayam ng Balitang Unang Sigaw News Team, bunsod na rin umano ng malaking epekto nito sa pag-aaral ng mga estudyante.
Ayon kay Caoile, sa halip na ituon ng mga mag-aaral ang kanilang pansin sa pag-aaral ay naaagaw ito ng mga gadget tulad ng mga cellphones.
Dagdag ni Caoile, nagiging daan din ang cellphone ng mga kabataan upang makakita o makapanuod ng mga bagay na hindi pa nila dapat na malaman at nagagamit din ito sa pandaraya tuwing sasapit ang examination day.
Bagamat malaki aniya ang advantage o tulong ng naturang gadget sa pag-aaral ng mga kabataan tulad sa pagreresearch o paggawa ng mga assignments ay may masamang din itong epekto sa kanila.
Magkakaroon aniya sila ng patawag para sa isang pagpupulong sa mga magulang kasama ang mga kaguruan upang maipaliwanag ang naturang kautusan upang mabigyan din ng tamang paggabay ang kanilang mga anak at estudyante sa masamang maidudulot ng paggamit ng cellphone sa kanilang pag-aaral.
Sang-ayon naman dito si Lola Eleonor Saragpon na may apo na nag-aaral ng Grade 10 sa NENHS upang makapag focus ng mabuti ang mga estudyante sa kanilang mga aralin.
Maging ang Grade 10 student na si Jomela Shane Santos at Grade 12 student na si Wendel Manansala ay pabor sa kautusan ng DepEd.
Nilinaw naman ni Caoile na sa oras lamang ng klase hindi maaaring gamitin ng mga estudyante ang kanilang cellphone at pwede na nila itong gamitin sa oras ng uwian.—Ulat ni Jovelyn Astrero