Dalawa lamang sina Christopher Duldulao at Marilou Ramos sa mga empleyado ng kapitolyo sa lalawigan ng Nueva Ecija na nakatanggap ng maagang mid-year bonus o katumbas ng isang buwang sweldo, noong nakaraang linggo.

Ayon kay Christopher Duldulao, Administrative Assistant 2 ng Provincial Resource Management Office, sa maagang pagbigay ng kanilang mid-year bonus ay nai-budget nilang mag-asawa ng maayos ang kanilang gastusin para sa tatlong mga anak na mag-aaral sa darating na pasukan lalo pa’t prayoridad aniya ng bawat magulang na mapag-aaral ng kanilang anak.

Dagdag pa niya, sa ganitong paraan ay naiiwasan ang pangungutang ng mga ordinaryong empleyado kapag delay na nakukuha ang sweldo.

Nagpapasalamat naman si Marilou Ramos ng Provincial Trade and Insustry sa biyayang natanggap dahil laking pakinabang aniya nito dahil nagamit niya rin sa pambili ng mga school supplies ng kaniyang mga anak at iba pang gamit pang bahay.

Para naman kay Noramin Santos, hindi lang aniya mid-year bonus ang kanilang maagang natatanggap maging ang kanilang mga benepisyo bilang empleyado na nakatutulong aniya ng malaki sa kanilang pamilya.

Kaya naman mensahe nito sa kapwa empleyado na ibigay ang isang daang porsyento sa paglilingkod sa trabaho bilang sukli sa mga benepisyong natatanggap mula sa gobyerno.

Ang mga Government workers ay may tinatawag na 13th pay at 14th month pay. Ang 13 month pay ay ibinibigay bago ang May 15 upang makatulong na rin sa mga empleyadong may mga estudyante kasabay ng pagbabalik eskwela at ang 14th month pay naman ay bago magpasko.

Ito ay kinabibilangan ng mga civilian personnel na regular, casual, contractual, appointive o elective, full-time o part-time na mga kawani.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN