Aabot umano sa apat na raan hanggang limang daan ang kayang ibunga ng isang puno ng Giant Catimon Mango ni Ginoong Rogelio “Jun” Espejo, Agricultural Scientist International and Local Awardee at may-ari ng 8 ektaryang Espejo Mango Farm sa Barangay Catimon, Guimba, Nueva Ecija.

Ang bigat ng kada piraso ng bunga nito ay aabot sa isa hanggang dalawang kilo.

Ayon kay G. Jun, dumaan ito sa tissue culture at pinagsama ang dalawang uri ng mangga sa pamamagitan ng double root stocks at ang kinalabasan ay ang matamis at dambuhalang manggang ito.

Sa loob lamang ng isang taon mula sa pagkakatanim ay namumunga na ng aabot sa 400 grams ang Giant Catimon Mango, pagkaraan ng dalawang taon ay mamumunga na ito ng nasa tatlumpong piraso.

Dagdag ni Espejo, namumunga ang Giant Catimon Mango tuwing buwan ng Pebrero hanggang buwan ng Hulyo.

Maliban sa dambuhalang manggang ito ay dalawa pang uri ng mangga ang ibinibenta ng Espejo Mango Farm, ito ay ang Sweet Catimon Mango at Sweet Mariposa Catimon.

Sa Sweet Mariposa Catimon, tatlong variety ng mangga ang pinagsama o ang tinatawag na triple root stocks, habang double root stocks naman sa Sweet Catimon Mango.

Isa sa pinakamasarap umanong mangga ani Mang Jun ang Sweet Mariposa na namumunga pagkalipas ng dalawang taon at tuloy-tuloy at walang tigil na namumunga pagkalipas ng walong taon.

Naglalaro mula sa halagang 250 pesos hanggang sa 5000 pesos ang mga seedlings depende sa generation, laki at variety nito.

Paanyaya ni Mang Jun sa mga nais matuto ng tamang pag-aalaga at pagpapalago ng mangga upang maabot ang tamang laki at bilang ng mga bunga, dumalo sa kanilang isasagawang seminar na sisimulan sa susunod na taon.

Bukas din umano ang Espejo Mango Farm sa mga turista na nais makatikim at makabili ng matamis na dambuhalang mangga.— Ulat ni Jovelyn Astrero