Ibinida ang mga makabagong makinaryang pangsaka sa Agricultural Machinery Roadshow ng PhilMech o Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization sa pagdiriwang ng kanilang ika- 41ST Anniversary kasabay ng 20th Postharvest Loss Prevention Week noong Lunes May 20, 2019.

Sa aming panayam kay Rodolfo Estigoy, Chief ng ACD ng PhilMech, sa pagdiriwang ng 20th Postharvest Loss Prevention Week ay napapanahon aniyang malaman ng mga tao partikular ng mga magsasaka kung ilang porsyento ang nasasayang na butil ng palay dahil sa hindi tamang post harvest operations o hindi napapanahon ang pag-ani at hindi angkop na mga kagamitan.

Mababawasan umano ang losses o pagkalugi sa palay sa tulong ng mga makabagong makinaryang pangsaka katulad na lamang ng combined harvester na kung tawagin ay ‘halimaw’ taliwas sa maling pagpapakahulugan ng ilang mga magsasaka na ayaw sa makabagong teknolohiya.

Ayon kay Dr. Baldwin Jallorina, Direktor IV ng PhilMech, 10 Billion pesos ang pondong laan ng gobyerno sa ilalim ng RCEF o Rice Competitiveness Enhancement Fund – Creation na pupuksa umano sa problema sa Rice Tarrification Law. 5 Billion pesos para sa Rice Farm Machinery and Equipment sa PhilMech. 3 Billion pesos para sa seed production sa PhilRice, 1 Billion pesos sa extension support na paghahatian ng ATI, TESDA, PhilMech at PhilRice at isang bilyong piso para naman sa Loan Programs ng mga magsasaka.

Ang pondo ay ibibigay ng PhilMech sa mga eligible o karapat-dapat na asosasyon ng mga magsasaka, Irrigators Asscociation at Registered Rice Cooperatives o mga kooperatiba at LGU’s.

Libre pa aniyang magagamit ang mga rice farm equipment katulad ng tillers, tractors, seeders, threshers, rice planters, harvesters, irrigation pumps, small solar irrigation, reapers, driers at millers.

Mensahe pa ni Estigoy na lumahok at makiisa sa pagpapatupad ng sapat na pagkain, iwasan ang pagsasayang ng pagkain dahil hindi lang umano ang mga ito gampanin ng magsasaka bagkus ng bawat indibidwal.

Samantala, bago pa itinampok ang iba’t ibang makinarya ay nagkaroon muna ng ribbon cutting na pinangunahan ng mga pinuno ng PhilMech at Korean delegates na naghandog ng libreng mga kagamitan pangsaka.

Layunin nito na maiangat ang produksyon ng palay sa bansa, mapaunlad, mapalakas at maipaalam ang tamang paggamit ng mga makabagong makinarya sa pagsasaka.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN.