Arestado sa isinagawang operasyon ng kapulisan ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Kapitan Beato Pascua y Bautista singkwenta’y kwatro anyos, may asawa, ng barangay Ganaderia, Palayan City.

Sa press con, kinilala ni PSSUPT Leon Victor Rosete, Provincial Director, si Carlito Reyes y dela Cruz alyas Jonjon, trenta’y singko anyos, may asawa, construction worker, residente ng barangay Pula, Talavera at diumano’y miyembro ng isang gun for hire group dito sa Nueva Ecija.

Pinagbabaril at napatay sa kanyang mismong bahay si Kapitan Beato Pascua ng Barangay Ganaderia, Palayan City.

Nadakip ng mga awtoridad si dela Cruz dakong alas onse kwarenta’y singko ng hapon kahapon, May 22, 2019 sa Camella Homes, Valle Cruz, Cabanatuan City.

May 21, 2019 alas nueve ng umaga nang pagbabarilin ng suspek gamit ang isang caliber 9mm si Kapitan Pascua sa mismong bahay nito.

Isinugod ang biktima sa Integrated City Health Center ng Palayan ngunit idineklarang dead on arrival.

Samantala, patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga pulis ang motibo sa likod ng pagpaslang kay Kapitan Beato.-  ulat ni Clariza de Guzman