Isa sa mga pagtutuunan ng pansin ni Incumbent Talavera Mayor Nerivi Santos-Martinez sa kanyang huling termino ay ang pagpapatayo ng bagong Government Center sa mas malawak na lugar.
Ito ang kanyang naging pahayag matapos ang muling pagkapanalo sa katatapos na 2019 midterm elections.
Aniya, masyado nang masikip ang kasalukuyang kinalalagyan ng kanilang munisipyo kaya naman sa pamamagitan ng buong “Team Kaunlaran” katuwang ang Provincial Government ay inaasahang maisasagawa ang naturang proyekto.
Maaaring ngayong taon ay mabili na ang lupang pagtatayuan ng bagong Government Center sa kahabaan ng Maharlika Highway at tinatayang sa susunod na taon ay masimulan na ito.
Malaki naman ang naging pasasalamat ni Mayor Martinez sa kanyang mga kababayang muling nagluklok hindi lamang sa kanya kundi maging sa buong Team Kaunlaran upang patuloy na makapagbigay ng mga programa at proyektong makatutulong para sa patuloy na ikauunlad ng kanilang bayan at maging ng kanilang mga mamamayan.
Buo din ang paniniwala ni Martinez na sa kanyang huling termino ay tuluyan ng maaabot ng kanilang bayan ang pagiging lungsod nito.
Programa pang-edukasyon naman ang patuloy na pauunlarin ni First Elect-Councilor Rai Rai Villanueva na pinakabatang nahalal at bagong sabak sa pulitika.
Kabilang sa mga programang ito ang Scholarship ng kolehiyo ng bayan at ALS o Alternative Learning System na naglalayong matulungang makapagtapos sa pag-aaral ang mga kabataan.
Nagpasalamat din ito sa suportang hindi man niya inaasahan ay ipinagkaloob sa kanya ng mamamayan ng bayan ng Talavera.
Samantala sa panayam naman kay Sto. Domingo Mayor Imee De Guzman, target nito sa kanyang ikalawang termino na masimulan na ang pagpapatayo ng Nueva Ecija University of Science and Technology sa kanilang bayan.
Puntirya din nito na mabigyan ng pabahay ang kanyang mga kababayan na walang sariling mga tahanan partikular ang mga napaalis sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay.
Labis din ang kanyang pasasalamat sa kanyang mga kababayan dahil sa unang pagkatataon ay buong team nila ang ipinanalo ng mga ito sa katatapos na botohan.— Ulat ni Jovelyn Astrero