Sa Ika-19 na Regular Session ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ay masinsin na pinagdiskusyunan ng mga miyembro ang panukalang pagpasok ng three-wheeled cab bilang panibagong pampasaherong sasakyan maliban sa mga tricycle na umiikot sa lungsod.

Sa kahilingan ng isang Raul Jay Manglapus III, Vice President at General Manager ng Tri Motors Technology Corporation, nais nito na amyendahan ang Ordinance No 001-2019 o Revised Traffic Code at maisama ang Bajaj RE bilang pampasadang sasakyan.

Napansin agad ni Kon. Gave Calling na naka specify sa isang brand name ang panukala.

Ayon kay Vice Mayor Anthony Umali, dapat talagang tanggalin ang brand name upang hindi magkaroon ng pagkiling sa iisang kumpanya.
Binigyang diin naman ni Kon. Nero Mercado na marapat lamang na lagyan ng standard size at specification ang panukala upang maisaayos ang batas at hindi masagasaan ang mga namamasadang tricycle sa Cabanatuan.

Sa kasalukuyan ay nasa dalawampung libong tricycle ang umiikot sa buong lungsod.

Ang pangamba ng Pangalawang Punong Lungsod na sa pagpasok ng bagong behikulo ay matapakan ang isa sa pangunahing hanap-buhay ng mga Cabanatueño.

Kaya iminungkahi nito sa mga miyembro ng Sanggunian huwag muna itong ipasa at muling pag-aralan ang naturang panukala.
Kalaunan ay pinakinggan at inayunan din ng mga miyembro ng mayorya.

Sa pag-urong ng panukala na maipasa sa ikalawang pagbasa ang pag-amyenda sa ordinansa ay muli itong ibinalik sa Committee on Laws, Rules and Regulations at Committee on Public Utilities and Facilities upang muling pag-aralan.

Inaanyayahan naman ni VM Umali ang lahat ng mga tricycle driver na makilahok sa gaganaping committee hearing sa araw ng biyernes, May 24, 10 am, sa Session Hall, Cabanatuan City. – Ulat ni Danira Gabriel

https://youtu.be/E2IERqiqA2g