Karaniwan sa mga naging aberya noong nakaraang eleksyon sa Lungsod ng Cabanatuan ay ang pag-overheat o pag-hang ng ilang mga VCM o Vote Counting Machine na naging dahilan ng pagkaantala ng botohan.

Tulad na lamang sa East Central School na ang covered barangay ay ang Bantug Norte, pansamantala munang hinayaang nakapatay ang VCM habang nakatutok ang electric fan at tsaka muling isinindi pagkalipas ng ilang minuto upang subukang magpasok muli ng mga balota.

Sa F.A Reyes Memorial Elementary School ay ilang ulit namang ipinasok ang balota ngunit kusa ding iniluluwa ng VCM, ganito din ang nangyari sa Imelda Integrated School at iba pang mga barangay sa Lungsod.

Inireklamo naman ng mga Poll Watchers ng Partido Unang Sigaw ang pagkawala ng plastic lock ng SD cards sa dalawang presinto sa J.P Melencio Elementary School na ang covered barangay ay ang Dimasalang.

Dahilan ng mga BEI o Board of Election Inspectors na kinailangan lamang nilang masiguro na naroon nga ang mga SD cards kaya sa harap umano ng mga poll watchers ay binuksan nila ito at hindi na nagawang maibalik ang mga plastic lock dahil wala na silang reserba.

Sa harap ng abogado ng Partido Unang Sigaw, ng BEI, DESO o Department of Education Supervisor Official at ng mga nagrereklamong Poll Watchers ay hiniling na mailagay sa minutes ang naturang obserbasyon at inayos ang anumang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga poll watchers at ng BEI.

Samantala sa patuloy na pag-iikot ng Balitang Unang Sigaw news team ilang minuto bago mag alas sais ng hapon, na oras sa pagsasara ng botohan, ay nadatnan ng aming team ang mahaba pa ring pila sa isang presinto sa Calagundian Elementary School.

Ayon sa aming nakausap doon ay ang kakulangan sa marker ang naging sanhi ng pagkaantala ng botohan dahil sa pitong marker lamang ang mayroon dito habang aabot naman umano sa siyam na raan ang mga boboto doon.

Pagsapit ng alas sais ng hapon ay isinara na ng kapulisan ang gate ng eskwelahan upang wala ng makapasok pa at tinapos na lamang na makaboto ang mga nakapila pa.—Jovelyn Astrero