Pormal nang iprinoklama ng Provincial Board of Canvassers ng Nueva Ecija ang mga nanalong kandidato sa lalawigan mula May 14-15, 2019.
Sa pamamagitan ng mga kinatawan nina Gov. Aurelio “Oyie” Umali at Vice Gov. Anthony Umali ng Partido Unang Sigaw ay opiyal na silang iprinoklama.
Base sa datos, nakakuha si Gov. Umali ng kabuuang 477,066 na boto. Lumamang ito ng mahigit 130,000 boto laban sa kaniyang naging mahigpit na katunggali na si Virgilio Bote ng PDP-Laban na mayroong 337,925 na boto.
Tinambakan din ng mahigit isang daang libong boto ni Vice Gov. Anthony Umali ang kaniyang kalaban na si Edward Joson ng PDP-Laban. Matapos makapagtala ito ng 510,253 na boto kumpara sa 405,005 na boto ni Joson.
Habang sa labanan ng Board Member sa probinsiya ay panalo ang tatlong pambato ng Unang Sigaw na sina Rap-Rap Villanueva, Eric Salazar at Ler De Guzman sa unang distrito.
Wagi rin ang Independent Candidate na si Popoy Abalos at Joseph Ortiz ng Unang Sigaw sa ikalawang distrito.
Sa 3rd district ay lumusot naman sina Jojo Matias at EJ Joson ng PDP-Laban.
At sa Ika-apat na distrito ay tagumpay din si Joy Pascual ng National Unity Party (NUP), Nap Interior ng Unang Sigaw at Tess Patiag ng Unang Sigaw.
Samantala, uupong muli sa 1st district si Ging Suansing ng PDP-Laban, Mikki Violago ng NUP sa 2nd district, Ria Vergara ng PDP-Laban sa 3rd district habang bagong halal naman si Maricel Natividad ng People’s Reform Party (PRP) sa 4th district. –Ulat ni Danira Gabriel