Tumugon si Cabanatuan City Mayoralty Candidate Philip “Dobol P” Piccio sa paanyaya ng Kilusang Magbubukid Ng Pilipinas (KMP) at Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) sa inorganisa nilang aktibidad na Peasant Electoral Agenda 2019.

Ayon kay Piccio, kaiisa siya ng mga magsasaka sa hangarin na amyendahan, suspendihin o ibasura ang Republic Act 11203 o Rice Trade Liberalization Law.

Aniya, isa sa dahilan kung bakit siya tumakbo bilang Punong Lungsod ng Cabanatuan ay dahil hindi niya maatim ang ginawang pagpapabaya ng kinatawan ng ikatlong distrito na isa sa nagsulong at nag-apruba nito.

Dagdag pa ni Piccio, handa siyang harapin, solusyunan at tulungan ang mga magsasakang sa negatibong epekto ng batas na ito.

Kagaya ng pagtaguyod ng mga makabuluhang programa, kabilang ang pagbibigay ng tulong sa edukasyon, pagpapautang sa mga magsasaka at pakikiisa sa itinutulak na programa ni Gubernatorial Candidate Aurelio “Oyie” Umali na Provincial Food Council (PFC) upang mamili ng mga palay mula sa mga lokal na magsasaka.

Habang pagbibigay ng trabaho naman sa mga manggagawang bukid ang nakikitang solusyon ni Piccio para sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagpasok ng modernong makina na Rice Reaper o “Halimaw”.

Binigyang diin din ni Piccio na kakampi siya ng mga magsasaka at hindi niya hahayaan na tuluyang bumagsak ang isa sa pangunahing kabuhayan ng mga Cabanatueño.

Kasama ang iba pang mga lokal na kandidato at kinatawan nito ay pumirma sila sa isang kasunduan bilang  tanda ng pakikiisa sa mga magsasaka. –Ulat ni Danira Gabriel