Nagsama-sama ang partido Unang Sigaw para sa Proclamation Rally ng team Abesamis-Francisco sa bayan ng Peñaranda sa pangunguna ni Gubernatorial Candidate Oyie Umali at Vice Gubernatorial Candidate Doc Anthony Umali.
Sa pangunguna ni Unang Sigaw Chairman Atty. Oyie Umali ay sabay-sabay na itinaas ang kamay ng buong hanay ng team Abesamis-Francisco sa harap ng mga tagasuporta sa bayan ng budang gandang Peñaranda.
Napuno ng kasiyahan at pananabik ang bulwagan nang isa-isang ipinakilala ang bawat miyembro ng team Abesamis-Francisco.
Ito ay kinabibilangan nina Mayoralty Candidate Edmund Abesamis, Fermin Francisco Jr., kandidato sa pagka bise-alkalde, kasama ang mga kandidato sa pagka konsehal na sina Rina Mercado, Minyang Castilio, Sonny Corpuz, Mario Gonzales, Sam Vallarta, Melchor Paderes, Jenny Alarilla at Rudy Torres.
Damang-dama rin ang napakainit na pagtanggap ng mga taga Peñaranda sa tatlong bokal na tumatakbo sa ika-apat na distrito na sina bokal Nap Interior, Tess Patiag at Joy Pascual. Kasama rin si 4th district Congw. Megan Antonino na muling kumakandidato sa parehong posisyon.
Isa-isang nagpakilala ang mga miyembro ng grupo upang manuyo sa mga mamamayan ng Peñaranda.
Sa mensahe ni bokal Edmund Abesamis na tumatakbong mayor sa naturang bayan, sinabi nito na ipagpapatuloy niya ang mga layunin na inumpisahan ng kaniyang nakatatandang kapatid na si incumbent mayor Blue Boy Abesamis.
Dagdag pa nito, isang hamon para sa kanya at sa kaniyang mga ka-grupo ang mahigitan ang ginawa ng kaniyang kapatid upang mas lalo pang umunlad ang bayan ng Peñaranda.
Ikinumpara naman ni Vice Mayor Fermin Francisco Jr. Sa isang pamilya ang pagkakaroon ng magkaalyadong partido, aniya mas maganda at mas mapapaayos ang nasasakupan kung ang Mayor at Vice Mayor ay magkasundo at iisa lamang layunin sa bayan.
Pinaalalahanan naman ni Former Governor Oyie Umali ang mga kumakandidato sa bayan ng Peñaranda, na dapat ay magkaroon ng malaking puso para mahalin at paglingkuran ang lahat ng mamayan na kanilang nasasakupan.
Pagbibigay naman ng isang matapat na paglilingkod ang binitawang salita ni Doc Anthony Umali para sa mga residente ng Peñaranda.
Samantala, pasasalamat naman ang pinaabot ni bokal Nap Interior sa lahat ng taga Peñaranda dahil sa taos pusong pagsuporta ng mga ito sa kanya.-Lerie Sabularce / Danira Gabriel