Natuwa ang mga residente sa bayan ng Jaen dahil sa munting salu-salo na inihanda para sa kanila ng Partido Unang Sigaw sa pangunguna ni Former Governor Aurelio “Oyie” Umali noong Huwebes, March 21, 2019 sa Jaen Municipal Gymnasium.

Kasama din sa mga nakisaya sina Cabanatuan City Vice Mayor Doc Anthony Umali, 4th District Congresswoman Megan Antonino, Bokal Nap Interior, Bokal Tess Patiag at Mayor Sylvia Austria kasama ang kanyang mga konsehal.

Ayon kay Doc Anthony Umali at kasalukuyang tumatakbo bilang bise gobernador ng lalawigan, ang layunin ng isinasagawang Boodle Fight ay para magkaroon sila ng pagkakataon na makasalo sa isang kainan ang mga payak na mamamayan sa bawat bayan na kanilang pinupuntahan.

Sa naging mensahe naman ng dating gobernador, sinigurado nito sa mga taga Jaen na hindi sila pababayaan ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang kanilang lokal na pamahalaan para sa mas maunlad at mas tahimik na pamayanan.

Masaya ding ibinalita ni 4th District Congw. Megan Antonino sa mga residente doon ang plano nilang pagtatayo ng Mango Processing Plant sa Brgy. Langla sa naturang bayan para sa dagdag na trabaho sa mga naninirahan doon.

Nagpasalamat naman si Jaen Municipal Mayor Slyvia Austria sa pamahalaang panlalawigan dahil sa mga tulong na naipagkaloob aniya nito sa kanilang bayan gaya ng iba’t ibang mga proyektong pang-imprastraktura.

Samantala, kasama rin sa nagbigay ng aliw sa mga taga Jaen ang Rolling Concert Bus na handog ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija. – Ulat ni Jessa Dizon