Sa pagdalo ni Former Governor at Unang Sigaw Chairman Aurelio “Oyie” Umali sa media forum ng Nueva Ecija Press Club Inc. (NEPCI) noong March 14, 2019 ay inanunsiyo nito na ang broadcaster na si Philip “Dobol P” Piccio ang opisyal nilang guest candidate sa pagka-mayor sa Cabanatuan City.
Matatandaan na naghain ng Certificate Of Candidacy (COC) si Piccio bilang independyenteng kandidato sa posisyon ng Mayor ng nasabing lungsod.
Si Piccio na binansagang “Boses ng Katotohanan” ay isang broadcaster na matapang na nagsisiwalat ng mga di umano’y ma-anomalyang gawain sa Cabanatuan.
Taong 2007 ng simulan niya ang pamamahayag sa radyo ng DWNE. Taong 2011 naman ng umere siya sa telebisyon ng TV48.
Unang nakilala si Piccio, bilang Presidente ng Parents Enabling Parent (PEP) Coalition o samahan ng mga magulang na lumaban sa panloloko ng mga pre-need companies.
Dahil sa kaniyang tapang at paninindigan na ipagtanggol ang daang libong kapwa magulang na tinakbuhan ng mga dambuhalang kompanya ay naisabatas ang Pre-Need Code of the Philippines na layong protektahan ang consumer rights ng bawat Pilipino.
Makakalaban ni Piccio sa posisyon ang anak ng kaniyang katunggali na si Jay Vergara.
Sa kasalukuyan ay kasama nang umiikot ng buong partido si Piccio sa Lungsod ng Cabanatuan. –Ulat ni Danira Gabriel