Sunod-sunod na lumitaw sa mga pahayagan, telebisyon at internet ang babala ng NOAA o National Oceanic and Atmospheric Administration isang grupong nananaliksik sa Estados Unidos kaugnay sa kanilang pag-aaral sa El Niño watch 2014.

Ano nga ba ang el niño?

Ang spanish word na El Niño o sa ingles ay “the little one”, ay tumutukoy sa batang si Hesus. Ito ang naging bansag ng Peruvian Fisherman na taga Northern Peru nuon. Matapos nilang mapansin ang pag-init ng tubig dagat tuwing nalalapit ang pasko.

Ang El niño ay ang pag-init ng tubig nang karagatang pasipiko, partikular sa gitna at silangang bahagi nito na kadalasang nagaganap tuwing isang beses sa bawat tatlo hanggang pitong taon.

Sa Pilipinas, taong 1997 hanggang 1998 nakatikim ang bansa ng matinding tagtuyot dahil sa El Niño. Sa tala ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot sa P8.46 bilyon ang naging pinsala nito.

Ngayon taon, tumaas ang posibilidad na makaranas ng El Niño sa bansa. Aabot na sa halos 80% na magkatotoo ito, ayon sa International Research Institute for Climate and Society.

Bagaman nakaranas na ng matinding init ang Pilipinas, sinasabi ng mga eksperto na mararamdaman ang matinding epekto ng El Niño sa huling bahagi pa ng taon.

Ang pinaka maaapektuhan ng El Niño, ay ang agrikultura. Kung saan, natutuyo ang mga bukirin, kulang ang patubig para sa panahon ng taniman. Dahil dito magkakaroon ng kaunting produksyon at maaaring maging dahilan ito ng pagtaas ng presyo dahil sa kakulangan sa suplay.

Unang makakaranas ang epekto nito sa bahagi ng Visayas at Mindanao o ang mga lugar na apektado ng hanging amihan.

Tinukoy ng D.A. o Department of Agriculture ang apat na pung apat at dalawang syudad na posibleng tamaan ng El Niño. Kabilang dito ang limang lugar sa Cordillera Administrative Region, ang Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Mountain Province.

Sa Ilocos Region, ang mga lugar ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan. Sa Cagayan Valley, kabilang ang Cagayan, Isabela, Nueva Viscaya at Quirino. Sa Central Luzon, ang mga lugar ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales. Sa CALABARZON, ang Cavite, Batangas, Laguna, Quezon at Rizal. Sa Mimaropa, ang Occidental Mindoro, Palawan at Romblon. Kasama din ang Sorsogon sa Bicol Region. Sa Western Visayas, Aklan, Antique, Negros Occidental, Capiz, Guimaras at Iloilo. Ang Bohol sa Central Visayas. Samar sa Eastern Visayas. Sa Zamboanga Peninsula, ang Zamboanga City, Del Norte, Del Sur at Sibugay. Misamis Oriental at Bukidnon, sa Northern Mindanao. Sa Davao Region, ang Davao City at Oriental. At ang tatlong probinsiya sa Soccsksargen, ang Misamis Oriental, Sarangani at South Cotabato.

Sa nakaambang pananalasa na hatid ng El Niño, handa ba ang ating pamahalaang nasyunal sa hindi mapigilang pag atake nito sa ating bansa? Sapat ba ang patubig sa mga irigasyon para sa ating mga magsasaka? Ano nga ba ang dapat natin gawin upang hindi tuluyang matuyo ang supply ng tubig sa ating mga bahayan?

Yan at ang iba pang mga katanungan ay ating sasagutin sa pagpapatuloy ng El Niño phenomen, dito sa Balitang Unang Sigaw!

Buwan ng Mayo, binuo ng D.A. o Department of Agriculture ang task force El Niño, bilang paghahanda sa nalalapit na matinding tag tuyot. Ang naturang grupo ay pinangungunahan ng pangulo ng PAFSAM o Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization Secretary Francis “kiko” Pangilinan  at binubuo ito ng ilang tauhan ng PAGASA, DOST, PHILRICE at iba pang ahensya ng pamahalaan. Kabilang sa mga ginagawa nito ay ang paglatag ng Contingency Plan, upang maibsan ang epekto ng El Niño sa ibat ibang sektor, kabilang na ang sektor ng agrikultura.

Bilang tinaguriang “Rice Capital of the Philippines, nabahala ang lalawigan ng Nueva Ecija sa nakaambang peligro nito sa ating agrikultura.

Nitong buwan ng Hunyo,ay agarang nagsagawa ng isang pagpupulong ang Lokal na Pamahalaang Panlalawigan, NIA-UPRIIS o National Irrigation Administration – Upper Pampanga River Integrated Irrigation System at First Gen.

Ayon kay Gov. Aurelio Umali, dapat seryosin ang nakaambang kalamidad dahil hindi magiging biro ang epekto nito sa produksyon ng palay, hindi lamang sa lalawigan kundi sa buong bansa.

Ang NIA-UPRIIS ang namamahala sa Pantabangan Dam, na nagsusuplay sa mahigit Isang Daang Libong ektarya ng Palayan sa Nueva Ecija at karatig probinsiya. Target nito, na mapataas ang kasalukuyang water level na 185.24 meters sa 212.225 meters ng Pantabangan Dam, hanggang sa huling bahagi ng taon. Upang masiguro na makakapagtanim ulit ang walumpung libong magsasaka sa probinsiya ngayong wet season.

Tinukoy ng NIA-UPRIIS, ang sampung bayan at siyudad na pinaka maaapektuhan sa lalawigan, ang San Jose, Munoz, Licab, Jaen, San Antonio, Aliaga, Zaragoza, Gapan, San Isidro at Cabiao.

Bunsod nito, lumikha na sila ng tatlong paraan sa pamumuno ng NIA UPRIIS, upang maisalba ang humigit kumulang na Isang Daang Libong ektaryang taniman sa lalawigan. Ang Cloudseeding Operation, pagtatanim ng seedlings para sa Water Shed Area at pagbibigay ng Water Pumps o bomba sa mga magsasaka.

 

Naglaan ng P3 M pondo ang First Gen para sa Cloud Seeding Operation. Sa kasalukuyan, 24 sorties na ang naisagawa ng BSWM o Burea of Soil and Water Management sa 60 sorties na nakalaan para sa reservoir ng Pantabangan Dam.

Nakahanda na rin ang tatlong daang sundalo ng 7th Infantry Division para tumulong sa pagtatanim ng 40,000-60,000 seedlings na ipupunla sa Watershed Area sa Pantabangan. Dahil makakatulong umano ito sa pagreserba ng tubig sa dam.

Habang nakatakda naman magpamahagi ng 86 na bomba o water pumps ang NIA-UPRIIS sa mga magsasaka sa mga susunod na buwan.

Bukod dito, nakatakdang magkaroon ng Water Summit sa Convention Center sa Palayan City, na dadaluhan ng NIA, Local Government Units, Department of Agriculture, at Seed Producers, para pag-usapan ang mga posible pang paraan kung sakaling hindi maaabot ang target na 200 meters water elevation sa huling bahagi ng buwan ng Oktubre.

Nagpa alala din si NIA-UPRIIS Operations Manager, Engr. Josephine Salazar na dapat makiisa ang mga magsasaka ngayong panahon ng El Niño, upang magamit ng wasto ang mga tubig at mapag salusaluhan nang lahat ng mga magsasaka.

Ang kakulangan sa produksyong agrikultura ng Nueva Ecija, ay malaking dagok hindi lamang sa mga magsasaka sa loob ng probinsiya, kundi lalong higit na malaki itong pasanin ng buong bansa.

Pakikiisa at pakikipagtulungan ang kailangan sa mga programa inilatag ng lokal na pamahalaan, upang mapagtagumpayan na malabanan ang krisis na hatid ng El Niño.

Ito ang Balitang Unang Sigaw, El Niño phenomenon.