Mula sa makukulay at magagarbong mga kasuotan ay nagpamalas ng iba’t ibang talento ang mga mag-aaral at ilang mga guro ng OLSHCO o Our Lady of the Sacred Heart College sa Bayan ng Guimba, sa ginanap na Cultural Show noong martes ng gabi.

Bumida ang mga talento ng mga mag-aaral at guro at nagpakitang gilas sa pag-awit at pagsayaw na nagpapakita ng Kulturang Pinoy.

Ayon kay Emmanuel Uy III, Vice President for Academic Affairs ng OLSHCO, ito ay bahagi ng kanilang pagdiriwang ng ika pitumpong Anibersaryo na itinuturing na Kick Off Program tungo sa Diamond Anniversary ng pagkakatatag ng naturang paaralan.

Ngayong taon ang kanilang selebrasyon ay may temang “Traversing with Faith Towards New Milestone”.

Bahagi din ng kanilang selebrasyon ang Tree Planting kung saan nagtanim ang mga estudyante at mga guro ng 2000 bamboo seedlings sa riverbank ng Ilog Baliwag, Quezon, Nueva Ecija.

Sa panayam naman kay Wylene Herminigildo, Basic Education Principal ng nasabing eskwelahan, nakulangan man ito sa naging preparasyon para sa Cultural Show ay siniguro naman nilang maayos at maganda ang kalalabasan nito.

Ipinagmalaki din nito ang mga angking talento sa pag-awit, pag-arte at pagsayaw ng kanilang mga estudyante na nagpamalas ng galing hindi lamang sa loob kundi maging sa labas ng kanilang eskwelahan.

Hindi na rin pinalampas ni Herminigildo ang pagkakataon na bumati at magpasalamat sa mga naging kabahagi ng pagkakatagumpay ng kanilang pagdiriwang.

Hindi rin nagpahuli si Rubilyn Esperon, College Dean ng OLSHCO, upang bumati sa matagumpay na selebrasyon ng kanilang Anibersaryo.—Ulat ni Jovelyn Astrero