Maimulat ang mga kabataan sa mga masasamang dulot ng paggamit ng iligal na droga, iyan ang pangunahing layunin sa isinagawang Symposium on Illegal Drugs and Substances Abuse sa Nueva Ecija High School nitong November 29.
Sa pangunguna ng Provincial Youth Development Office at ng provincial government sa pamumuno ni Gov. Czarina “Cherry” Umali ay tinalakay sa humigit kumulang isang libong senior high school ang maaaring maging epekto sa sarili at sa lipunan kapag nalulong sa iligal na droga.
Ayon kay Jomarie Manalus, coordinator ng PYDO, target nila ang mga kabataan sapagkat sa ganitong edad aniya nagkakaroon ng curiosity o kagustuhang sumubok ng mga bagong bagay.
Para naman sa mga kawani ng NEHS, napakahalaga at napapanahon ang mga inilulunsad na symposium ng pamahalaang panlalawigan sapagkat malaking tulong aniya para sa kanilang mga mag-aaral ang dagdag kaalaman na hatid nito.
Samantala, batid naman ng mga mag-aaral ang kahalagahan ng ganitong klaseng talakayan sapagkat isa itong paraan upang mailayo ang mga kabataan sa paggamit ng droga at marami aniya silang natututunan dito.
Kamakailan ay nagtungo rin sa Malacañang National High School sa bayan ng Sta. Rosa ang PYDO kasama ang ina ng lalawigan, Gov. Cherry Umali upang isagawa ang symposium ukol sa iligal na droga.
Binisita rin ng gobernadora ang gulayan at museum ng paaralan na nakatanggap ng parangal na Best Museum in Congressional District III. Samantala, nangako rin si Gov. Cherry ng computers, yero at seedlings para sa gulayan na ihahandog sa nasabing paaralan. –Ulat ni Irish Pangilinan