Nagkaisang dumalo ang mga Lokal na Mambabatas ng 27 bayan at 5 lungsod ng probinsiya sa ginanap na 1st Joint Meeting ng Vice Mayor’s League of the Philippines (VMLP) at Philippine Councilors League (PCL) sa Nueva Ecija, na idinaos sa bayan ng Talavera.
Ang programa ay nilakipan ng tema na “The 3 L’s of Public Service: Learning, Leading and Legislating” na ang pagkakaroon ng tamang kaalaman ay magbubunga ng mahusay na pamumuno upang makapagpatupad ng mga nararapat na batas.
Ayon kay Cabanatuan City Vice Mayor at VMLP National Vice President Anthony Umali, ito ay nagpapatunay na hindi kulay sa politika ang tinitignan ng mga Lokal na Lider kung paglilingkod sa bayan ang pinag-uusapan.
Sa pahayag naman ni Santa Rosa Councilor at PCL Region 3 Chairman Peter Marcus Matias, ito ay magandang simula upang tuluyan ng mapag-isa ang mga Miyembro ng Sanggunian sa probinsiya.
Binigyang diin naman ng Panauhing Pandangal, ang Ama ng Lalawigan na si Atty. Aurelio Umali, na pakikinig ang pinakaimportanteng sangkap sa maayos at mahusay na pamumuno.
Mga programa at proyekto na may kaugnayan sa trabahong ginagampanan ng mga Lokal na Mambabatas ang tinalakay ng kinatawan mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) Nueva Ecija na si Dennis Daquiz. Kabilang ang prestihiyosong pagkilala ng ahensiya sa mga bayan at lungsod na ina-wardan ng Seal of Good Local Governance (SGLG).
Target ng liga ng VMLP at PCL na mapanatili at madagdagan pa ang mga bayan at lungsod na mabibigyan ng SGLG Award. –Ulat ni Danira Gabriel