Halos isang libong parol ang bumuo sa higanteng Christmas tree sa lungsod ng Gapan na pinailawan kasabay ng magarbong fireworks display nitong Sabado, November 25.
Hindi mahulugang karayom ang City Plaza dahil sa dami ng mga tao na nagpunta upang masilayan ang pagpapailaw sa giant Christmas tree at ang humigit kumulang labinlimang minutong fireworks display.
Ayon kay Mayor Emerson “Emeng” Pascual, simple lamang ang disensyo ng kanilang Christmas tree sapagkat sumisimbolo ito sa payak na pamumuhay nila sa kanilang lungsod. Bagamat simple ay kitang-kita naman aniya sa mga mukha ng mga tao ang kasiyahan.
Ayon naman sa bise alkalde ng Gapan na si Vice Mayor Inocencio “Dodong” Bautista, patikim pa lamang ito ni Mayor Emeng sapagkat mas marami pang proyekto ng dapat abangan sa lungsod ng Gapan.
Inanunsyo rin ni Mayor Emeng na sa darating na Pebrero ay magatatayo sila ng giant ferris wheel kung saan makaksakay ng libre ang mga taga Gapan
Dagdag pa ng punong lungsod, sa susunod na Pasko ay magtatayo rin sila ng tunnel of Christmas lights mula sa Bucana ng Gapan. Magkakaroon din aniya, ng lantern parade at lantern competition ang mga paaralan sa lungsod.
Samantala, labis naman ang kasiyahan ng mga Gapawenyo dahil sa mga proyektong ginagawa ng kanilang punong lungsod upang mapaganda pa lalo ang Gapan. –Ulat ni Irish Pangilinan