Isinusulong ng Asian Farmer’s Network o ASFARNET-Philippines ang paggamit ng agri-biotechnology dahil malaking tulong umano ito sa pagpapalago at pagpapaunlad ng agrikultura.
Sa Farmer’s Forum na dinaluhan ng mga magsasaka mula sa iba’t-ibang lalawigan ay pinag-usapan at tinalakay ang iba’t-ibang benepisyo ng biotechnology sa agrikultura gayundin ang mga karanasan ng mga magsasaka sa paggamit ng naturang teknolohiya.
Ayon sa ASFARNET Coordinator na si Edwin Paraluman, sa tulong ng biotechnology ay maaaring mas lumaki ang ani ng mga magsasaka. Mas ligtas din aniya itong gamitin sapagkat hindi na kinakailangan pang magspray sa mga pananim. Dagdag pa ni Paraluman, sa ganitong paraan ay napoprotektahan ang kalusugan ng mga magsasaka, konsyumer at ang kapaligiran.
Pinatunayan naman ito ng ilang magsasaka sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang testimonya na nagsasaad ng pag-unlad ng kanilang pananim at palaisdaan. Ipinahayag din nila na ligtas kainin ang mga produkto ng agri-biotechnology base sa kanilang mga karanasan.
Isa sa kanila ay si Eufemia de Guzman, isang farm manager sa Science City of Muñoz na nagpahayag na mas umasenso siya sa tulong biotechnology. Aniya, lumaki ang alaga niyang tilapia sa kaniyang palaisdaan ng 1.5 hanggang 2 kilos.
Ayon naman kay Gabriel Valdez, isang magsasaka na mula rin sa Science City of Muñoz, sa ilang taon na niyang nagsasaka at gumagamit ng biotechology ay napatunayan niyang ligtas ang paggmait ng naturang teknolohiya.
Ayon naman sa datos ng International Service for the Acquisition of Agri-biotech Applications, noong 2002, isang taon ang makalipas matapos maaprubahan ang commercial propagation ng genetically-modified o GM corn ay umabot sa 50,000 hectares ang may tanim nito. Sa 2016 naman ay umabot sa 185.1 million hectares ang may tanim ng genetically modified crops sa buong mundo. Habang sa Pilipinas naman ay umabot sa 812,000 hectares.
Samantala mensahe naman ng ASFARNET Coordinator para sa mga kapwa niya magsasaka ay patuloy aniya silang magtulung-tulong at gumamit ng biotechnology upang mapaghusay ang kanilang mga pananim at kabuhayan. -Ulat ni Irish Pangilinan