Hindi na umano makikipag-usap si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng CPP-NPA- NDF o Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front at nagbabalang ipa-aaresto ang mga ito dahil sa walang hintong pagpapalaganap ng karahasan.

Ito ang naging pahayag ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa kampo ng SOCOM o Special Operations Command sa  Fort Magsaysay, Palayan City, kamakailan.

Sa kanyang talumpati ay diretsahang sinabi ng Pangulo na ayaw na nitong makipag-usap sa mga miyembro ng NPA dahil sa patuloy na karahasan ng mga ito.

Kaugnay nito ay sinabi din ng Pangulo na sisiguraduhin nitong bago lahat at walang second hand ang mga susunod na bibilhing armas at iba pang kagamitan ng mga kasundaluhan.

Hindi aniya malayong maulit ang paglusob ng mga teroristang grupo gaya ng nangyari sa Marawi City kaya mabuting maihanda ang mga bagong kagamitan na magagamit ng tropa sa pakikidigma laban sa mga ito.

Sinabi din ng Pangulo na anuman ang kailanganing mga kagamitan ng tropa ay handang bilhin ng gobyerno para sa kanila.

Sa pagbisita ng Pangulo sa kampo ay ginawaran din nito ng medalya at pagkilala ang mga natatanging kasundaluhang nakipaglaban sa Marawi at naging malaking bahagi ng muling paglaya ng lungsod mula sa mga kamay ng teroristang grupo.—Ulat ni Jovelyn Astrero