Napakikinabangan na ng mga Novo Ecijano ang bagong bukas na Government Service Express sa SM City Cabanatuan na magbibigay ng mas dekalidad na serbisyo para sa lahat.
Ayon kay Assistant Mall Manager Carol Del Rosario ng SM City Cabanatuan, layunin nito na mailapit sa mga Novo Ecijano ang mga ahensya na tutugon sa kanilang mga pangangailangan tulad ng pagkuha ng ID o Driver’s License.
Kabilang sa mga ahensyang nakapaloob dito ay ang Phlpost o Philippine Postal Corp, SSS o Social Security System, LTO o Land Transportation Office at DTI o Department of Trade and Industry Negosyo Center, na matatagpuan sa 3rd floor ng Mall.
Dagdag ni Del Rosario, para sa mas convenient na pagre-renew ng lisensya ay kapartner din ng LTO ang MegaCare Medical Services kung saan maaaring makapagpatingin ng mata at iba pang medikal na pangangailangan.
Hinikayat din ni Del Rosario ang mga Novo Ecijano na bisitahin ang Government Service Express para sa kanilang mga government requirements o iba pang mga pangangailangan sa mga nabanggit na mga ahensya.
Sa mga nagnanais na maka-avail ng mga serbisyo, bukas ang GSE mula Lunes hanggang Biyernes, ganap na alas dyes ng umaga hanggang alas singko ng hapon.—Ulat ni Jovelyn Astrero