Magtatagisan sa larangan ng basketball ang 8 koponan na kinabibilangan ng bayan ng Jaen, San Antonio, San Leonardo, Cabiao, General Tinio Papaya, Peñaranda, San Isidro at Gapan City.
Bawat koponan ay binubuo ng 15 miyembro na may edad 16 hanggang 25 na mga kabataang Novo Ecijano.

8 bayan sa ika-apat na distrito, magtatagisan sa larangan ng basketball
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na pagsasama-samahin ang mga negosyante ng ika-apat na distrito sa pangunguna ni Former Mayor Virgilio Bote ng General Tinio, Papaya na sinuportahan din ng mga Local Government Units ng 4th District.
Ilan sa mga negosyanteng lumahok ay ang mga sumusunod: Peñaranda Interlink, San Antonio A.M. Cruz Trucking, General Tinio Treasure Hunters, at Cabiao MSC Medalla Sports Clothing.
Layunin ng palaro na mas paigtingin ang pagkakaisa at pagmamahalan ng mga nabanggit na bayan sa nasabing distrito.
Ayon kay Jude Paul Mangulabnan, Commissioner ng palaro, binuo ito upang gumawa ng isang team ang Nueva Ecija na magiging representante ng lalawigan na maglalaro sa Metro Manila.
Para naman kay Mayor Emeng Pascual ng Gapan City, sumali sila sa paliga upang mas maging malawak pa ang pakikipagkaibigan sa bawat bayan ng distrito.
Ang magiging kampeon sa paligang ito ay mag-uuwi ng 150,000 pesos habang ang mga hindi mananalo ay tatanggap ng 30,000 pesos bawat koponan.- Ulat ni Shane Tolentino