Kung dati ay dumideretso na sa mga eskwelahan ang Scholar Grant mula sa Pamahalaang Panlalawigan para sa mga mag-aaral ng Nueva Ecija University of Science and Technology-San Isidro Campus, ngayon na libre na ang tuition fee sa mga State Universities and Colleges, Local Universities and Colleges, at State-Run Technical-Vocational Schools ay mismong ang mga scholars at mga magulang na ang nakahahawak ng tulong pinansyal mula sa Provincial Government.

Personal na iniabot ni Governor Czarina Umali sa mga iskolar ng Provincial

Government ang tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P2, 500.

Pinangunahan mismo ni Governor Czarina Umali ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mahigit dalawang daang mga iskolar sa NEUST-San Isidro Campus, na malugod namang sinalubong ni Mayor Dong Lopez.

Sa mensahe ni Governor Cherry, sinabi nito na sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng tuition fee ng Gobyerno ay nabigyan ito ng pagkakataon na makaharap ang mga estudyanteng mula pa sa umpisa ay sinusuportahan na ng Scholarship Program na sinimulan pa noon ni Dating Governor Aurelio Matias Umali.

Dagdag ng Gobernadora, ito ang kauna-unahang pagkakataon na sa halip na pambayad ng tuition fee ay allowance ang ipinamahagi ng Provincial Government para sa mga iskolar.

Simula pa noong 2001 nang maging katuwang na sa pag-abot ng pangarap ng mga Novo Ecijanong mag-aaral ang Scholarship Program na sinimulan ni Former Governor Oyie Umali sa kanyang panunungkulan noon bilang Kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Lalawigan, na ipinagpapatuloy ni Governor Cherry dahil sa layuning makapagbigay ng magandang kinabukasan para sa mga kabataan.

Mga iskolar ng Pamahalaang Panlalawigan habang tinatanggap ang kanilang allowance.

Ayon naman kay Engr. Bot Valino ng Public Affairs and Monitoring Office, ang dalawang libo at limang daang pisong allowance na ipinagkaloob sa mga iskolar ay para sa first semester ng School Year 2017-2018.

Sinabi din nito na dahil sa implementasyon ng K-12 ay pansamantalang hindi nakapagbigay ng eksaminasyon ang Kapitolyo para sa mga nagnanais na makakuha ng ayuda.

Dobleng biyaya para kay Carlo Andriade, na tatlong taon ng iskolar, ang pagbibigay ng Free Tuition Fee ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang allowance na natanggap nito mula kay Governor Cherry Umali.

Malaki naman ang pasalamat nina Andrea Galang at Mylene Odulio dahil sa loob ng apat na taon na ginugol nila sa Kolehiyo ay kaakibat nila ang Provincial Government upang magkaroon ng mabisang sandata sa pagharap sa takbo ng buhay.—Ulat ni Jovelyn Astrero