Sa dami ng mga serbisyong maaaring maavail ng mga mamamayan sa Malasakit Service Caravan ng Pamahalaang Panlalawigan ay mas prayoridad pa ring pinipilahan ng mga ito ang Medical Services.
Libre man kasi ang magpacheck up sa ilang Pampublikong Pagamutan sa Lalawigan ng Nueva Ecija ay hindi pa rin maiwasang dumukot sa bulsa upang ipambili ng gamot sa botika.

Sinamantala na ng mga mamamayan ng San Isidro ang medical services ng Malasakit Caravan ng Pamahalaang Panlalawigan upang makapagpacheck up at makakuha ng libreng mga gamot.
Sa Malasakit Service Caravan, hindi lamang konsultasyon sa mga Doktor ang libre, kundi maging ang mga gamot at bunot ng ngipin ay libre din.
Sa patuloy na paglilibot ng Malasakit Service Caravan ay tinungo nito kamakailan ang Bayan ng San Isidro upang maghatid ng libreng serbisyo.
Malaking katipiran para kay Michelle Espina ng Brgy. Alua ng naturang bayan ang pagdating ng programa ng Provincial Government, dahil sa libre na nitong naipacheck up ang inuubo, sinisipon at nilalagnat na mga anak ay nakakuha pa ito ng mga libreng gamot para sa kanila.
Labis naman ang katuwaan at pasasalamat ni Rosemarie Bernido kay Governor Cherry Umali dahil sa hatid na serbisyo ng Service Caravan.

Libreng mga gamot ang isa sa malaking biyaya para sa mga mamamayan ng San Isidro na naibaba sa kanila ng Provincial Government.
Hindi lamang kasi isa o dalawa ang na-avail nito sa mga serbisyong ito, dahil matapos nitong magpabunot ng ngipin ay nakapagpalinis pa aniya siya ng kuko at nakapagpagupit ng buhok.
Ilan lamang ang dalawa sa mga nabenepisyuhan at napasaya ng naturang programa dahil daan-daang mamamayan pa ng San Isidro ang matiyagang pumila at hindi nabigong makapag-avail ng iba’t ibang serbisyo.
Aminado naman si Mayor Dong Lopez na sa dami ng mga nagkakasakit sa kanyang mga kababayan ay hindi na halos makayanan ng munisipyo ang maabutan ang lahat ng medical assistance.
Kaya naman nagpahayag ito ng pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan na palagi aniyang nakasuporta sa kanilang bayan at hindi kinakalimutang abutan ng tulong.
Ikinagalak din ng mga mamamayan ng San Isidro ang pagdating nina Governor Cherry Umali at Former Governor Oyie Umali dahil nabigyan ng pagkakataon ang mga ito na personal na makapagpasalamat sa ibinabang programa ng Provincial Government para sa kanila.
Samantala, maliban sa medical services na may kasamang libreng gamot, libreng gupit, libreng bunot ng ngipin at libreng linis ng kuko ay bahagi din ng Malasakit Service Caravan ang Jobs Fair, Libreng Repair ng mga gamit sa bahay, libreng massage, libreng seedlings at marami pang iba.—Ulat ni Jovelyn Astrero