Sa panayam kay Efren Rivera, sinabi nito na hindi na nila matiis ang mabahong amoy na idinudulot ng katabing piggery na nagiging sanhi rin aniya ng kanyang pagkakasakit at ng kanyang mga apo.
Karaniwan umanong nagiging sakit ng mga bata na nakatira malapit sa Piggery sa Brgy. Sto. Cristo ang ubo at sipon na nauuwi sa hika, ayon naman kay Florigrace Cruz.
Paninikip ng dibdib at pagkakasakit din ang sintemyento ng ilan pa sa aming mga nakapanayam na residente doon dahil sa amoy na dulot ng babuyan.
Hiling nila na mailipat na lamang ang piggery sa ibang lugar na malayo sa mga kabahayan upang walang maperwisyong mamamayan.
Ayon naman kay Lilia Valle, taong 2011 nang unang magfile ng pormal na reklamo ang mga residente ng Brgy. Sto. Cristo sa Tanggapan ng kanilang Punong Barangay na si Kapitan Ramon Santos.
Doon ay napagdesisyunan ng Sangguniang Barangay na ipasara ang nasabing piggery ngunit dahil natalo umano ng sumunod na eleksyon si Kapitan Santos ay hindi na ito naasikaso.
Samantala, May 30, 2017 ng magsagawa ang munisipyo ng inspection sa Vallarta Hog Farm, base sa findings at observation mayroong anim na kulungan ng baboy ang naturang farm, apat dito ay naglalaman ng siyam napo hanggang syam napu’t anim na mga baboy, maraming langaw din ang nakita sa loob at labas ng kulungan ng baboy, may mild to moderate na amoy ng dumi ng baboy at may isang storage room ng feeds ang nakita sa kanang bahagi ng farm.
Dahil dito, naglabas ng mga rekomendasyon ang MHO, una ay ang regular na pag-i-spray ng aerosol upang mabawasan ang masamang amoy.
Pangalawa, pagmementina ng kalinisan ng kapaligiran at pagpapanatili ng mga puno sa perimeter boundary, at istriktong pagtalima sa EMB at DENR 2011 decision and orders hinggil sa depopulation ng mga baboy.
Nauna pa dito ang inspection na isinagawa ng Environment and Natural Resources Office noong April 5, 2017, sa final recommendation ng ENRO ay napagkasunduan na dalhin sa Environmental Management Bureau ang reklamo upang mabigyan ito ng solusyon.
April 27, 2017 nang magsagawa ng inspection ang EMB sa Vallarta Hog Farm, kung saan nakitaan ito ng hindi maayos na housekeeping upang malimitahan ang hindi kanais-nais na amoy.
Dahil dito ay nag-isyu ang EMB ng Notice of Violation batay sa Presidential Decree 1586 o Philippine Environmental Impact Statement System sa may-ari ng farm.
Habang naatasan naman ang may ari na magsagawa ng pagwawasto at magaan na pamamaraan upang mapigilan ang pag-alingasaw ng mabahong amoy.
Pinatawan din ng fines o penalty ang naturang farm batay na rin sa PD 1586. Upang masiguro na sumusunod sa naturang kautusan ang hog farm ay ibinaba ito sa probisyon ng Local Government ng San Isidro.— Ulat ni Jovelyn Astrero