Magandang balita para sa mga mamamayan ng Lungsod Agham ng Muñoz na nagbabalak bumuo ng sariling negosyo, dahil maaari silang makapag-avail ng libreng skills training sa bagong bukas na Go Negosyo sa kanilang lungsod.

Ayon kay DTI Provincial Director Brigida Pili, magsisilbing one stop shop ang Go Negosyo kung saan lahat ng mga pangangailangan sa negosyo tulad ng registration ng business names, paraan ng pagmamarket, packaging at labeling ng mga produkto at iba pang mga trainings ay maaari nilang maavail dito.

Magsisilbi din itong tulay upang maipakilala ng mga Kooperatiba o Small and Medium Enterprises ang kanilang mga produkto na maaaring puntahan ng mga mamimili.

Pormal ng binuksan ang Go Negosyo Center sa Science City of Muñoz

Sa kasalukuyan ay pang sampong negosyo center sa naturang lungsod ang nabuksan na sa buong lalawigan sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry at Local Government Units.

Sa panayam kay Emmanuel Bustamante, Local Economic Investment Promotion Officer, nakikita nito ang Go Negosyo bilang turning point sa pagbubukas ng kanilang lungsod sa mga investors na nais mamuhunan sa kanilang lugar.

Naniniwala ito na sa mga darating pang mga panahon ay uusbong at lalago ang pamumuhunan at tataas ang pang-ekonomikong aspeto ng kanilang lungsod.

Samantala, makikita sa go negosyo ang mga maipagmamalaking produkto ng Science City of Muñoz tulad ng chicharon, gatas ng kalabaw, pastillas at marami pang iba. -Ulat ni Getz Rufo Alvaran