Sa pagdinig ng Committee of the Whole ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan sa Supplemental Annual Investment Plan (AIP) ngayong taon ay kinwestiyon ni Vice Mayor Anthony Umali ang mga pondo na planong paglaanan ng City Government.
Umaabot sa halagang One Hundred Fifty Eight Million Pesos ang maaring gamitin na pondo sa Supplemental AIP na mula sa Surplus ng taong 2016.
Base sa listahan ng 2017 Supplemental AIP, isa sa malaking tapyas ng pondo ang planong pagtatayo ng Unified Command Center ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO).
Ayon kay CDRRMO Chief Eugene Mintu, ang P34 Million ay downpayment lamang sa P200 Million na kabuuang halaga ng mga unit ng camera na ikakabit sa buong lungsod.
Ang ipinagtataka ni Vice Mayor Anthony Umali, wala pang naipapasa na programa ng buong proyekto ang CDRRMO at wala pa ring aprubadong ordinansa ang Sanggunian hinggil sa Unified Command Center.
Payo ng Bise Alkalde, bago aprubahan ang proyekto ay komunsulta muna ng legal na opinyon na alinsunod sa batas.
Isa rin sa panukalang proyekto na malaki ang pondong gugugulin, ay ang pagtatayo ng Mega Dike na nagkakahalaga ng P33 Million sa ilalim ng Engineering Department.
Ngunit, katulad ng naunang proyekto wala pa ring nai-susubmit na program of works ukol sa Mega Dike.
Ayon kay Engineering Head Lauro Pangilinan, hindi pa existing ang mega dike at ngayon pa lamang ito ipiniprisinta.
Samantalang ang deskripsiyon ng programa ay tumutukoy sa pagma-maintain ng mga equipment na umano ay ginagamit sa pagtatayo ng Mega Dike.
Suhestiyon ng Bise Alkalde, i-submit muna sa sanggunian ang kabuuan ng proyekto upang maintindihan ang plano ng Punong Lungsod.
Napag alaman din ng Komite na malaking bahagi ng pondo na paglalaanan ng City Government ay mapupunta sa Solid Waste Management.
Matatandaan na P50 Million na ang nakapaloob na pondo sa AIP ngayong taon para sa pagsasaayos ng mga basura sa lungsod. Ngunit, lumilitaw na ninanais ulit paglaanan ng City Government ng bukod pang P20 Million ang proyekto.
Sa paliwanag ni General Services Officer Gerardo De Guia, ang karagdagang pondo ay kakailanganin upang mabawasan ang bundok na basura sa Valle Cruz Dumpsite.
Mungkahi ni VM Umali, imbes na ilaan ang pondo sa pag-upa ng mga truck na humahakot ng mga basura ay bumili na lamang ng sariling truck ang lungsod upang makatipid sa gastusin.
Ang ilan pa sa mga programa na paglalaanan ng malaking pondo, ang pagbili ng Tatlong Tow Trucks na umaabot ng P13 Million at P10 Million sa Repair and Maintenance ng mga Heavy Equiment ng siyudad.
Sa ngayon, ay hinihintay pa rin ng Committee of the Whole ang mga dokumentong hinihingi nila sa mga departamento. –Ulat ni Danira Gabriel