Naghatid ng ngiti sa mahigit isang daang mga estudyante ng San Juan Elementary School sa bayan ng Cuyapo ang mga grocery packs, mansanas, notebook at radyo na kaloob sa kanila ng Nueva Ecija Press Club Inc., at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Ang naturang pamimigay ng mga gift packs ay bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-anim napu’t dalawang Anibersaryo ng NEPCI.

Ayon kay Gina Caling, Presidente ng NEPCI, napili ng kanilang samahan ang San Juan Elementary School bilang benepisyaryo dahil isa ito sa pinakamahihirap na paaralan sa probinsya.

Dagdag ni Caling, taon-taon ay isinasagawa ng kanilang samahan ang ganitong uri ng programa upang maibalik sa taong bayan ang pasasalamat sa pagtangkilik sa mga balitang inihahatid ng mga lokal na mamamahayag.

Aabot sa isang daan at labing tatlong mga estudyante ang nabahagian ng mga gift packs, mansanas, notebooks at reading books habang nabigyan naman ng mga radyo ang ilang mga magulang na naroroon.

Nagpasalamat naman si Mayor Flor Esteban, gayundin ang mga magulang at mga mag-aaral kay Governor Czarina Umali at sa NEPCI dahil sa paghahatid ng mga regalo para sa mga bata.—Ulat ni Jovelyn Astrero