Bagaman inayos na at natapalan na ng semento ang butas sa Cabu Bridge na nag-uugnay sa Cabanatuan City at ilang lugar sa Nueva Ecija katulad ng Palayan City, Bongabon, Laur, Gabaldon at Dingalan Aurora ay hindi pa rin ito maaaring daanan ng mga motorista.
Ayon kay Winny Simbulan, Maintenance ng DPWH District II, patitigasin muna nila ang sementong itinapal sa butas ng tulay bago muling buksan sa mga motorista.
Naglagay na din aniya sila ng babala ilang metro bago ang tulay, na hindi pa ito maaaring daanan at naglagay ng advisory para sa alternatibong daan.
Maaari naman itong daanan ng tao kung saan ang mga commuter galing ng Cabanatuan City ay ibaba sa Barangay Cabu at tatawirin ang Cabu Bridge kung saan sa kabilang dulo nito ay may nakaabang namang mga sasakyan patungo sa Silangang bahagi ng lalawigan. Ganun din sa mga commuter na galing naman sa mga naturang lugar patungong Cabanatuan City.
Inaasahang muli itong bubuksan sa October 4 ngunit mga light vehicle o magagaan na sasakyan pa lamang ang maaaring makadaan habang ang mga mabibigat tulad ng truck ay mananatili munang daraan sa mga alternatibong ruta upang masigurong hindi ito muling masisira.
Samantala, hinati naman sa dalawa ang bilang ng mga pampasaherong jeep ng Palayan Jeepney Operators and Driver’s Association upang masigurong may mga sasakyang nakaantabay sa magkabilang dulo ng tulay.
Sinabi ni Ed Federico, Pangulo ng PAJODA, tig dalawampu’t limang mga pampasaherong jeep ang nakaabang sa magkabilang dulo ng tulay upang masigurong may masasakyan ang mga commuter.
Tumaas naman ang pasahe mula Palayan hanggang Cabanatuan, kung ang regular rate ay nasa 25 pesos, ngayon ay aabot ito ng bente sais hanggang trenta pesos.
Mula sa tulay hanggang Atate, Palayan ay otso pesos ang pasahe kapag estudyante at sampong piso naman para sa mga hindi estudyante. Habang nasa disiotso pesos para sa mga estudyante at bente naman sa mga hindi estudyante ang pasahe mula sa tulay hanggang Terminal ng Cabanatuan.—Ulat ni Jovelyn Astrero