Inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng Provincial Cooperative and Entrepreneurship Development Office  ang kauna-unahang “Ginang Kooperatiba” para sa pagdiriwang ng Cooperative Month sa darating na Oktubre.

Sa panayam kay PCEDO Chief Elvira Ronquillo, sinabi nito na ang patimpalak ay sadyang binuo upang hikayatin ang mga opisyal at miyembro ng kooperatiba na ipakita ang kanilang ganda at ipagmalaki ang kanilang produkto sa bawat lungsod at bayan.

Sinimulan noong Byernes, September 22, 2017 ang pre-pageant kung saan nagpamalas ng galing sa Talent Portion ang labindalawang kandidata na kinatawan ng mga kooperatibang kanilang kinabibilangan.

Ang mga kandidata ng kauna-unahang Gng. Kooperatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Nasungkit ni Shirley Alcantara ng Kilusang Lima para sa Lahat ng bayan ng Talavera ang Third Place, Michelle Paner ng Sacred Heart Saving Cooperative ng Science City of Muñoz ang Second Place, Pat Abellana ng Bantug Agricultural Multi-purpose Cooperative NG Talavera ang First Place.

Nakatakdang ganapin sa October 5, 2017 alas otso ng gabi sa Freedom Park, Cabanatuan City ang Grand Finals ng nasabing patimpalak kung saan aabangan ang Gown Competition ng mga kandidata na yari sa produkto ng kanilang lugar.

Magkakamit ng tumataginting na Php20,000 ang tatanghaling kauna-unahang “Ginang Kooperatiba” habang ang First Runner Up ay tatanggap ng Php15, 000.00, mag-uuwi naman ng Php10,000.00 ang Second Runner Up at Consolation Prize para sa lahat ng lumahok.- ulat ni Clariza de Guzman