Nagkaloob ng libreng medical and dental check-up at feeding sa aktibidad na “Kalinga sa Kapwa ni San Francisco” ang St. Francis of Assisi Parish sa mga mamamayan ng Bongabon nitong September 26 bilang parte ng selebrasyon sa kapistahan ni San Francisco.

Sinususri ng isang pediatrician mula sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center ang kalusugan ng isang bata sa bayan ng Bongabon.

Naging katuwang ng simbahan ang Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center o PJGMRMC kasama si Dr. Ian Angeles ng Bongabon sa ginanap na medical mission kung saan 66 na katao ang libreng nabunutan ng ngipin habang 49 na bata at 80 na matatanda ang nakatanggap ng check-up mula sa mga pediatrician at internist ng naturang hospital. Kasama rin sa mga serbisyong ipinagkaloob ay ang x-ray, blood sugar count at electrocardiogram o ECG.

Simbahan ng St. Francis of Assisi

Ayon naman kay Dra. Lani Flores, mahalagang magkaroon agad ng check-up ang mga bata sapagkat madali itong dapuan ng mga sakit.

Dagdag pa ni Dra. Flores, kailangang panatiliin ang proper hygiene at tamang kalusugan upang maiwasan ang pagkakasakit.

Samantala, ikinatuwa naman ng mga residente ang natanggap na tulong at mga libreng gamot.

Pagkatapos ng check-up ay nagkaroon ng feeding kung saan pinagsalu-saluhan ng mga residente ang masustansiyang sopas, tinapay at juice.

Ayon naman kay Rev. Fr. Nezelle O. Lirio, ito ang pangalawang beses na isinagawa nila ang ganitong klase ng aktibidad at balak nila itong ipagpatuloy sa mga susunod na taon.Simbahan ng St. Francis of Assisi

Dagdag pa ni Fr. Lirio, layunin ng simbahan na matulungan ang mga nangangailangan gaya na lamang ng pagtulong at pagmamalasakit na ginawa ng kanilang santo na si St. Francis noong nabubuhay pa ito.

Dagdag pa ni Fr. Lirio,  bahagi ng gaganaping kapistahan sa ika-apat ng Oktubre ang iba pang mga aktibidad na magpapatingkad sa kapistahan gaya ng Tree Planting, libreng kumpilan at binyagan at motorcade para sa pangangalaga sa kalikasan.  –Ulat ni Irish Pangilinan