Matapos ang halos buong araw na pagsusuri at paghahakot ay maayos na nakolekta ng mga tauhan ng House of Representatives Electoral Tribunal ang 52 ballot boxes sa City Hall ng Palayan at inilagak sa Provincial Comelec.
Alas otso ng umaga noong September 11, 2017 naabutan ng Balitang Unang Sigaw na nakalabas na ang 11 ballot boxes sa Treasurer’s Office kahit wala pa ang HRET at mga kinatawan nina Former Governor Aurelio Umali at Congressman Rossana Vergara.
Nang aming tanungin si City Treasurer Wenona Abenoja ay kaagad niya itong ipinabalik sa kanyang mga staff.
Ayon kay Abenoja, in good faith naman ang ginawa ng kanyang mga staff para mas mapabilis lang ang pagbibilang ng mga ballot boxes.
Nang dumating ang grupo ng HRET kasama sina Atty. Eduard Violago ang abogado ni Atty. Oyie Umali ay sinuri nila ang mga kahon ng balota at pareho naman silang nagsabing problema patungkol doon. Dagdag ni Atty. Violago, hangga’t nasa poder ng palayan ang mga balota ay nasa ilalim pa rin iyon ng kanilang pananagutan.
Sa panayam kay Teofilo de Castro Jr., examiner ng HRET, kinumpirma nitong maganda ang pakikipagtulungan ng pamahalaang lokal ng Palayan at walang naging iregularidad sa paglalabas ng ballot boxes kahit wala pa sila.
Bawat ballot boxes ay mayroong isang metal seal at limang plastic seal, maliban pa sa packaging tape na nakapalibot sa takip nito.
Matapos suriin ang mga balota, pirmahan ang book of voters, voters registration record at iba pang election paraphernalia ay isa-isa na itong isinakay sa truck at ineskortan ng grupo ng kapulisan ng PPSC habang ibinibyahe patungo sa tanggapan ng Comelec sa Cabanatuan kung saan pansamantalang inilalagak.
Ngayong araw inaasahang matatapos ang pangongolekta ng limang daan at dalawampu’t anim na mga balota mula sa mga bayan ng Gabaldon, General Natividad, Laur, Sta. Rosa, Palayan City at Cabanatuan City-Ulat ni Getz Rufo Alvaran