Sa kanyang talumpati sa selebrasyon ng ika-121 taon ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija na ginanap sa bayan ng San Isidro nitong ika-2 ng Setyembre, inihalintulad ni Col. Antonio Tuchie Tanchoco ang mga naganap na himagsikan noon sa mga suliranin na kinakaharap ngayon ng bayan.

Aniya, hindi naging matagumpay ang ilan sa mga rebolusyon noon sapagkat may kanya-kanyang prinsipyo ang mga rebolusyonaryo at kulang ang mga ito sa pagkakaisa.

Ayon kay Tanchoco, ang mga himagsikan noon ay kapareho rin ng himagsikan ngayon na laban naman sa kahirapan kaya hinikayat niya ang mga mamamayan na magkaisa at suportahan ang mga programa ng bayan na pang-ekonomiya at pang-edukasyon na mag-aangat sa natas ng pamumuhay ng mga tao.

Isa pang himagsikan na tinukoy ni Tanchoco ay ang himagsikan laban sa iligal na droga at iba pang uri ng kriminalidad.

Sa dulo ng kanyang talumpati ay ipinunto ni Tanchoco na muling buhayin at isapuso ang diwa ng pagkakaisa bilang gabay sa pagsasakatuparan ng tungkulin.

Gayundin ang binigay na mensahe ni Basilio Sigua, Veterans Post-Commamnder ng San Isidro. Aniya, ang mga kabataan ay kailangan ding tumulong at makiisa upang makamit ang kaunlaran ng bayan.

Samantala, kasabay ng pagdiriwang ay ang pagbibigay parangal sa mga natatanging kawani ng pamahalaan ng bayan ng San Isidro. Binigyang pagkilala rin ang mga guro kasama ang mga nagkampeong manlalaro sa nakaraang Governor’s Cup Intertown Basketball.

Nag-alay ng bulaklak para sa mga bayani ang mga kawani ng pamahalaan ng San Isidro sa pangunguna ni Mayor Dong Lopez

Bago matapos ang programa ay hinandugan ng bulaklak ang mga magigiting na bayani ng bayan sa pangunguna ni Mayor Dong Lopez.

Nagpasalamat din ito sa lahat ng nakiisa at nagbigay tulong upang maisagawa ang programa. Aniya, napakahalaga ng selebrasyong ito upang magbigyang pagkilala ang mga bayaning nabuwis ng kanilang mga buhay. -Ulat ni Irish Pangilinan